Dahil sa paninira

Dear Dr. Love,

Apat na taon na kaming kasal ng husband ko at may dalawang anak. Maligaya sana kami hanggang sa kamakailan ay biglang naging mabangis sa akin ang aking asawa pati na sa aming panganay na anak na ngayo’y four years old na.

Tumanggap daw siya ng text message mula sa nagpakilalang ex ko at sinabing ang panganay naming anak ay sa kanya. Dahil doon ay laging lasing ang aking asawa at kung minsan ay nananakit.

Kahit anong pagtanggi ko tungkol sa sinabi ng nag-message na ‘yun ay ayaw niyang maniwala. Ayaw kong masira ang dating maayos naming relasyon.

Pati sa panganay namin na dati niyang paborito ay sinisigawan na niya lagi. Walang ibang lalaki ang nakagalaw sa akin.

Ang natatandaan ko ay may masugid akong manliligaw noon na binasted ko at sa sama ng loob ay sumumpang gaganti siya sa akin. Binalewala ko ang banta niya.

Ngunit pinipilit ako ng asawa ko na umamin. Ano ang gagawin ko?

Marisa

Dear Marisa,

Ang pinakamabisang paraan para patunayan mo na anak ng asawa mo ang inyong panganay ay DNA test.

May gastos diyan pero kung ang kapalit ay katiwasayan ng relasyon ninyong mag-asawa, dapat gawin mo. Pati anak ninyong panganay na napakabata pa ay nadadamay. Maaaring magdulot ng kapahamakan ang bagay na ‘yan sa mura niyang kaisipan.

Masyadong nadala ng panibugho ang mister mo, kaya ayaw nang makinig sa katuwiran. Sadyang may mga taong ganyan. Kaya kausapin mo siya at sabihing magpa-DNA test sila ng kanyang anak.

Dr. Love

Show comments