Gustong maging manggang hinog

Dear Dr. Love,

 

Ako po si Dianne. Bakit kaya hindi ko pa rin mapigilang mahalin ang taong minahal ko pero tinanggihan ako?

Nagbakasyon lang sa amin si Ben, hindi niya tunay na pangalan. Dahil taga Maynila,  maangas, may sinabi at mabilis na nahulog ang loob ko sa kanya. Barkada siya ng pinsan ko. Nakamotor lang sila mula Maynila hanggang dito sa Batangas.

Pagod na pagod sila noon. Kaya asikasong asikaso namin sila nila Mamay. Nagluto nga kami ng maraming pagkain. Sagana sa ulam at sabaw.

Sa unang tingin ko sa kanya, nahulog na ang loob ko kay Ben. Aba kung makangiti eh sobrang gwapo. Hirap nga ako makipag-usap sa kanya dahil sobrang galing niyang magpatawa.

Dalawang araw palang, daig ko pa ang isang linggong pag-ibig. Hindi naman ako makapagsabi sa kanya na ako’y nagkakagusto na sa kanya. Baka kasi magalit si Mamay. Kukurutin ako noon sa singit. Kantahan kami, naligo sa dagat at namitas ng manga.

Biro ko nga sa kanya na sana isa akong manggang hinog… handang mapitas. Simula ng masabi ko ‘yun ay parang umiwas siya sa akin. Hindi na niya ako masyadong kinikibo. Akala ko eh nagalit siya sa akin dahil sa sinabi ko.

Hindi naman daw pero ayaw niya lang daw na me masabi si insan sa kanya.

Kaya nang sila eh umuwi, naku sadyang nalungkot ako dahil minsan lang ako nagkaganito sa lalaki.

Tapos ayaw pa sa akin. Ano ba ‘yan! Baka ako ay maging bayabas na kahit hinog na ay ayaw pitasin.

Nakaiinis naman!

Dianne

Dear Dianne,

Huwag kang malungkot, baka naman humahanap lang si Ben ng magandang pagkakataon para makaporma siya sa iyo.

Pwede naman na maghintay ka at hayaan mo siya ang makaisip na magsabi sa iyo na may gusto rin siya sa iyo.

Maghunos dila ka, iha. Hindi naman ganoon ang pagmamahal, hindi ‘yun mabilisan.

Dahil baka mabilis din mawala kapag ganoon.

Hangga’t maaari magkaroon kayo lagi ng ugnayan. Kahit nasa Maynila na siya. Para makumbinse siya na talagang gusto mo siya.

Pero baka ikaw naman ang tumanggi kapag nanligaw na siya sa iyo?

DR. LOVE

Show comments