Nabilanggo, ipinagpalit

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Lambert, 40 anyos at nakakulong sa salang robbery-holdup.

Dalawang taon na akong nakakulong at sinisikap kong magpakabait at baka mabigyan ako ng pardon.

Pero nakagawa lang ako ng masama dahil kailangan kong maipagamot ang anak kong 3-taong gulang na may leukemia.

Sa unang limang buwan ng pagkabilanggo ko, tuwing Sabado ay dinadalaw ako ng misis ko. Anim na taon na kaming magka-live-in nang nakulong ako. Sa huling pagbisita niya ay ibinalita niya sa akin na namatay na ang aming nag-iisang anak.

Masakit ang balitang yaon pero higit na masakit na ‘yun na ang naging huli niyang pagdalaw sa akin. Nabalitaan ko na sumama na siya sa ibang lalaki.

Gusto kong magwala sa loob pero naisip ko na baka makaaapekto ito sa aking paglaya. Ngunit sa loob ko ay gusto kong manakit ng kapwa ko preso.

Nabalitaan ko pa naman na mabibigyan na ako ng maagang paglaya dahil sa good conduct. Ano ang dapat kong gawin para makapagtimpi ako?

Lambert

Dear Lambert,

Pagtuunan mo ang magandang prospect ng iyong paglaya at huwag magpatangay sa sakit na dinaramdam mo bunga ng kataksilan ng iyong ka-live in.

Alalahanin mo na ang ano mang marahas na magagawa mo ay puwedeng makapi-gil sa maaga mong paglaya. Ipagpatuloy mo ang pagpapakabuti.

Sa labas ng piitan, mas maganda ang magiging kinabukasan mo at makabubuting limutin mo na ang babae na naging dahilan ng iyong hinagpis.

Dr. Love

Show comments