Dear Dr. Love,
Ako po ay nasa isang komplikadong situwasyon dahil bagamat inaayawan ng aking ama ang aking kasintahan, botong-boto naman sa kanya ang aking ina. Magkasundo sila at minsan nga ay lumalabas sila para mag-shopping kahit hindi ako kasama.
Tawagin n’yo na lang akong Jocel at ang aking girlfriend ay si Mimay. Anim na buwan pa lang ang relasyon namin at nang magpaalam ako sa parents ko na mag-aasawa na, tuwang-tuwa ang ina ko ngunit tahasang tumutol ang aking ama. Ayaw niyang sabihin kung bakit inaayawan niya si Mimay.
Ang duda ko, baka ito’y sa dahilang single parent ang nanay ni Mimay at siya ay anak sa pagkadalaga. Pareho naming ikinabahala ni Mimay ang pagtanggi ng aking ama. Pilit kong inalam ang dahilan at inusisa ko ang tatay ko.
Hanggang ipagtapat sa akin ng tatay ko na naging kasintahan niya ang nanay ni Mimay at maaaring siya ay anak niya bagamat hindi niya sigurado.
Tinanong din ni Mimay ang nanay niya at sinabi nitong matagal na silang wala ng tatay ko nang magkaroon siya ng relasyon sa ibang lalaki. Sa kabila nito, naghihinala pa rin ang tatay ko na baka anak niya si Mimay.
Ano ang dapat naming gawin, Dr. Love?
Jocel
Dear Jocel,
Iisa lang ang nakikita kong solusyon. Magpa-DNA test kayo ng kasintahan mo. Kung totoo na matagal nang wala ang nanay ni Mimay at tatay mo nang makipagrelasyon siya sa iba, siguradong hindi kayo magkapatid.
Totoong malaking isyu kung magkakatuluyan kayo ni Mimay gayung magkadugo kayo.
Pero sa modernong teknolohiya, madali nang masosolusyunan ang problemang iyan.
Dr. Love