Napagkakamalang tomboy

Dear Dr. Love,

20-anyos na ako pero wala pa akong boyfriend o manliligaw man lang kahit maraming nagsasabing maganda ako. Mestisahin ako dahil ang tatay ng nanay ko ay purong Amerikano.

Sabi ng mga kaibigan ko, walang mangangahas na ligawan ako dahil para raw akong tomboy sa kilos ang pagsasalita kahit lagi naman akong nakabestida.

Noong teenager pa ako ay may tatlong nanligaw sa akin, pero binasted ko sila dahil ‘di ko sila type. Ngayong dalagang-dalaga na ako ay wala namang nagtatangkang manligaw.

Ganito na talaga ang kilos mula pagkabata dahil siguro ako lang ang babae sa pitong magkakapatid at namatay pa ang nanay ko nang ako ay musmos pa.

Pilitin ko mang baguhin ang pananalita ko at galaw, naaasiwa ako dahil halatang pinipilit ko lang. Mahaba naman ang hair ko at nagme-makeup ako.

Ano maipapayo mo sa akin?

Virginia

Dear Virginia,

Kahit sa mga lalaki ay mayroong malamyang kumilos at magsalita, perohindi naman bakla.

Bata ka pa naman at ang tanging magagawa mo ay maghintay at darating din ang panahong may manliligaw sa iyo. Halos imposibleng baguhin ang ikinikilos mo sa isang iglap.

Pwede mo marahil subukang mag-enrol sa finishing school para maturuan ng social graces para sa babae pero walang garantiyang mababago ang iyong kilos.

Para sa akin, ang mahalaga ay hindi ka naman lesbyana at babaeng-babae ang iyong damdamin.

Dr. Love

Show comments