Dear Dr. Love,
Ang pagsunod ko sa mga request at ninanais ng asawa ay nami-misinterpret ng aking mga magulang, Inaakala nilang ina-”under” ako ng misis ko.
Kaya naman sa tuwing magkakasama kami ni tatay ang bukam-bibig niya, “hindi ibig sabihin na wala kang trabaho eh sunod ka na lang nang sunod sa asawa mo.”
Dr. Love, ang pagsunod ko sa aking asawa ay dahil mahal ko siya. Isa pa, wala namang masama sa mga sinasabi niya. Alam kong nag-aalala lang si tatay sa akin, pero wala namang dapat Ipag-alala.
Magkaiba kami ng prinsipyo ng tatay ko. Lumaki kami sa imahe niyang matapang at may kamay na bakal. Ang sa ganang akin ay mangibabaw sa tuwina ang pagmamahal, respeto at pagpapaha-laga.
Marahil kaya naiisip ng tatay ko na baka naa-”under” ako ay sa dahilang ang misis ko ang nagtatrabaho.
May karamdaman po kasi ako, kaya kahit gustuhin ko man ay hindi ko na kayang maging empleyado.
Ang iniisip ko po ngayon ay magnegosyo kapag may sapat na pangkapital na. Sana maunawaan ng mga magulang ko na, mali ang Inaakala nilang kalagayan ko.
Rodskie
Dear Rodskie,
Mapalad ka sa pagkakaroon ng masipag, mapagmahal at maunawaing maybahay, bagay na sikapin mo na makita ng iyong mga magulang.
Kung may pagkakataon ay imbitahan mo silang magbakasyon sa inyong bahay. .
Naniniwala ako na sa sandaling maliwanagan nila ang tungkol dito ay kusang mawawala ang kanilang pangamba para sa’yo.
Kasama mo ako sa panalangin na mai-push ang plano mong pagnenegosyo at nawa sa dedikasyon ng puso mo para rito ay mabilis itong lumago.
DR. LOVE