Sino ang paniniwalaan?

Dear Dr. Love,

Ako po si Cynthia ng Malabon. Hindi ako nakikinig kay itay noon dahil ang alam ko, siya ang dahilan kung bakit sila nagkahiwalay ni nanay. Nagkaroon siya ng ibang babae habang buntis ang nanay ko sa kapatid kong bunso.

Wala kaming nagawang magkakapatid dahil ako lang ang nakakaunawa sa kanila. Masyadong bata pa ang mga kapatid ko.

Hanggang umalis na lamang ang aming nanay kasama ang dalawa kong kapatid. Ako ang naiwan sa tatay ko. Pilit na sinasabi sa akin ni  tatay na hindi siya ang naunang nagloko, may ibang lalaki raw ang nanay ko at hindi sa kanya ang bunso kong kapatid.

Hindi ko alam noon kung sino ang paniniwalaan ko sa kanilang dalawa. Naging matigas ang ulo at pasaway ako sa aking tatay.

Natigil siya sa pag-inom ng alak dahil nagkasakit sa atay. Hindi niya ito sinasabi sa akin. Pero kitang kita ko ang paghihirap niya. Lumaki ang tiyan niya at sinabihan na ako ng doktor na hindi na magtatagal ang buhay ng aking ama.

Binubulong ko sa aking sarili na sinisingil na siya sa mga ginawa niya sa amin.

Pero sumasagi pa rin sa isip ko ang sinabi niya na hindi siya naunang nagloko kundi si nanay. Sa nalalabing buhay ni tatay gusto kong pagsilbihan siya at humingi ng patawad sa mga pagkukulang ko sa kanya.

Cynthia

Dear  Cynthia,

Talagang masisira ang isang pamilya kung wala ang pagpapa-kumbaba at pagtutuwid sa mga maling desisyon at nagawa. Kung sinuman ang naunang nagkamali sa iyong ama at ina, sana’y naging mapagparaya ang isa sa kanila.

Maaaring maging huli na ang lahat para sa iyong mga magulang, pero dapat ay matuto ka sa kanilang naging pagkakamali.

Huwag mong ha-yaan ang mga maling desisyon sa buhay mo. At kung sakaling magkamali ka man o may isang taong magkamali sa iyo ipasa-Diyos mo ang lahat.

Gawin mo ang pagsisilbi sa iyong ama, patawarin mo siya at humingi ka rin ng kapatawaran sa mga naging maling asal mo bilang anak.

Hangad ko ang paggaling ng iyong tatay.

DR. LOVE

Show comments