Magkakapatid na pinaampon

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Mimay. Ngayong ikakasal na ako. Ayaw kong maranasan ng magiging anak ko ang pagiging isang ampon.

Bata pa lang kami, iniwan na kami ng aming tatay. Hindi ko pa alam lahat ang nangyayari noon.

Basta inilagak na lang kami ng aming ina sa mga taong handang tumulong sa kanya. Lumaki kaming hindi na nagkita-kita. Hindi ko alam kung saang probinsiya dinala ng nanay ko ang aking mga kapatid.

Maging ako, malamang hindi na nila kilala. Hindi ko rin nakita pa ang aming ina.

Masaya naman ako sa piling ng naging tatay at nanay ko. Simula nang bata ako, sila na ang itinuring kong mga magulang. Hanggang sa nagdalaga ako at pinagtapat nila sa akin ang lahat. Ito raw ang bilin ng aking ina. Para kung sakali ay magkita-kita kaming muli.

Kwento nila na matagal nang patay ang aking ina. Napabayaan niya ang kanyang sarili hanggang sa nagkasakit siya.

Malaking utang na loob at pasasalamat kaya naman minahal ko nang lubos ang nag-ampon sa akin.

Nakatapos ako ng pag-aaral dahil sa kanila. Tingin ko nga kung wala sila noon baka hindi ganito ang naging buhay ko.

Naiiyak ako kapag naaalala ko ang aking mga kapatid. Sana tulad ko, naging maganda rin ang kanilang buhay. Tinanong ko na rin ang nag-ampon sa akin kung pwede pa naming sila makita. Ngunit wala silang alam kung nasaan na ang aking mga kapatid.

Kaya bago ako ikasal, ipinangako sa akin ng magiging mister ko na hindi niya gagawin sa akin ang tulad ng ginawa ng aming mga magulang.

Mimay

Dear Mimay,

Maraming salamat sa ibinahagi mo, tiyak na marami ang makababasa nito na tulad mong ampon. Noong bata ako, lagi rin nila akong tinutukso na ampon. Kaso kamukhang kamukha ako ang tatay ko, kaya hindi ako naniniwala.

Mahirap talaga ang kalagayan ng isang ampon. Lalo na kung alam mo na ito, simula pa ng ikaw ay bata pa. Lagi pa naman nabu-bully ang mga ampon.

Payo ko hindi lang sa iyo Mimay, kundi para na rin sa lahat ng mga ampon, huwag kayong mahiya at patuloy lang magsumikap para sa inyong kinabukasan.

Isang malaking hamon sa inyong buhay ang inyong naranasan at nasa inyong mga kamay ang bagong landas na inyong tatahakin, sa tulong ng mga taong may mabuting kalooban sa kapwa. Ingatan mo lagi ang nanay at tatay mo na nag-ampon sa ito. Huwag na huwag kang makakalimot.

DR. LOVE

Show comments