Bakit mo ako pinabayaan?
Dear Dr. Love,
Tawagin na lamang ninyo akong Jino. Tuwing mahal na araw lagi kong naaalala ang ang pagkawala ng tatay ko. Grade 2 palang ako noon, pero sa murang gulang alam ko na may mali sa aming pamilya.
Laging nag-aaway ang mga magulang ko, umaabot sa pananakit ni tatay kay nanay. Wala na nga kaming pera ay lagi pa siyang nagsusugal at lasing pa kapag umuuwi. Si nanay ang lagi niyang pinagbubuntunan ng galit.
Hanggang sa nag-high school ako. Ganun pa rin ang si tatay.
Hindi na nakatiis ang nanay ko dahil pati ako ay pinagsasampal ni tatay. Kaya si tito ay hindi na rin nakapagtimpi, nagbatuhan sila ni tatay na nauwi sa pananaksak ni tito sa aking ama. Mabuti at nadala pa siya sa ospital.
Nabuhay ang aking tatay pero hindi na nakakagalaw ng mabuti. Inaalagaan siya ni nanay pero wala ng pagmamahal. At dumating ang sandali na nagkaroon ng ibang lalaki si nanay. Ipinapakita pa niya ang paglalambingan nila ng lalaki, na kilala ni tatay. Wala naman akong magawa.
Naawa ako sa nanay ko pero nang namatay ang tatay ko, parang mas naawa ako sa tatay ko. Pinabayaan na kasi siya ni nanay. Ngayon may bagong pamilya na aking ina. Sinisisi ko si tatay, hindi niya kami binigyang halaga, pinabayaan niya ako at nagkaganon na si nanay.
Jino
Dear Jino,
Maraming salamat sa iyong ibinahagi. Dama ko ang kalagayan mo. Ang maipapayo ko ay huwag kang mawalan ng pag-asa. Gawing mong constructive ang nangyari sa iyong pamilya, para lalong magsikap sa pag-aaral, magtapos at baguhin ang buhay na kinagisnan mo.
Sana ay hindi mawaglit sa isip mo ang mahalagang aral tungkol sa pagpapamilya, na ito’y pinaninindigan at inaalagaan.
DR. LOVE
- Latest