Biglang yabang

Dear Dr. Love,

Napaka-humble ni Nilo, dahilan para mapaibig niya ako. Kumukuha siya ng abogasya nang ligawan ako kaya naman sa katangian niyang mapagpakumbaba, nabihag niya ang puso ko. Working student siya noon dahil mahirap lang ang kanyang pamilya.

Matagumpay niyang natapos ang kanyang law course na suma cum laude. Nakapasa siya sa bar exams at matapos makapanumpa bilang abogado, roon na nagsimulang magbago ang kanyang ugali.

Ang ano mang sabihin ko sa kanya ay pinipintasan niya at laging gustong makipag-argumento sa akin. Hindi naman ako maalam masyadong mag-Inggles pero parati niya akong pinaaandaran ng mga salitang napakataas at ‘di ko maintindihan.

Minsan, nasagad na ako at nakipag-break sa kanya. Humingi siya ng tawad sa akin at sinabi na hinahasa lang niya ang kanyang personalidad porke dapat, ang abogado ay mayabang ang dating sa harap ng hukuman. Sabi ko naman, huwag ako ang kanyang pagpraktisan dahil lumiliit ang tingin ko sa aking sarili. Pinatawad ko siya. Paminsan-minsan, may tendency pa rin siyang magpakita ng superiority sa akin.

Nangangamba tuloy ako na baka kapag nagsasama na kami ay dalhin niya ang pagkamayabang. Ano ang gagawin ko?

Merly

Dear Merly,

Tingnan mo ang kabuuan ng kanyang ugali. Caring ba siya o mapagmahal? Kapag may problema ka, dinadamayan ka ba niya at gumagawa ng paraan para maibsan ang kabigatang dala mo? Iyan ang sukatan ng tunay na pag-ibig.

Basta’t responsable ang lalaki at maaruga sa kanyang pamilya, hindi problema ang pagpapakita na siya ang ulo ng pamilya.

Huwag mong katakutan ang kanyang air of superiority dahil siya ang lalaki na ayon sa Bible ay siyang ulo ng pamilya. Nasabi mong dati siyang may mababang loob. Kaya marahil ibig niyang baguhin ang kanyang personalidad upang maging mas epektibo sa kanyang bokasyon bilang manananggol.

Marahil naman, hindi niya gagamitin ang pagiging “mayabang” para masira ang inyong pagsasama.

Dr. Love

Show comments