Takot makarma

Dear Dr. Love,

Isa po akong masugid ninyong tagasubaybay. Marami po akong natututuhan sa inyong mga payo. Ang isa ay ang tungkol sa isang kabit na hindi alam ang gagawin kung hahayaan na lang niya ang lalaking kanyang minahal.

Ganoon din kasi ang kalagayan ko. Nahihirapan ako dahil sarili kong reputasyon ang isinasaalang-alang ko para lamang sa aming pagmamahalan.

Dalawang gabi at minsan buong isang araw ko siya nakakasama. Noong mga unang gabi ay malakas pa ang aming kalooban na parang ako ang kanyang asawa.  Pero nang makarating sa kanyang asawa ang aming relasyon, biglang naging isang araw na lang sa isang buwan kami nagkikita. 

Hindi talaga naitatago ang lihim. Inamin niya sa akin na takot siyang hiwalayan ng kanyang asawa dahil na rin sa kanilang mga anak. Mabuti at hindi nagbubunga ang aming pagtatalik. Pero ‘yun ang akala ko.

Buntis ako nang magpaalam siya sa akin.  Parang sa telenobela lang po. Pero ang totoo masakit sa akin ang naging desisyon niya. Nirespeto ko siya at ang kanyang pamil­ya. Ngunit alam ko rin na may pagkakamali akong nagawa. Nairaos kong mag-isa ang a­ming anak at hindi na rin ako umasa sa kanya ng kahit na anumang tulong. Kaya lahat ng paraan ay ginagawa ko para sa anak namin.

Sa ngayon, may nanliligaw sa akin. Pero bigla akong natakot. Baka makarma ako sa ginawa ko sa pamil­ya nila at ako naman ang lokohin ng lalaking mamahalin ko. Hanggang dito na lamang po.

Ms. Tres

Dear  Ms. Tres,

Alam mo nahihiwagahan ako sa iyo. Noong nagkakamali ka at kinakasama mo ang asawa ng iba, hindi ka natatakot. Ngayon na may gustong magmahal sa iyo ng maayos, ayaw mo naman.

Kung talagang pinagsisisihan mo ang iyong pagkakamali, maging matatag kang harapin at mabuhay sa katotohanan. Habulin ka man ng karma ay kusang loob mong tanggapin.  May awa ang Diyos sa taong mapagpakumbaba.

Bakit hindi mo subukang magmahal muli? Basta tiyakin mong binata ‘yan.

Dr. Love

Show comments