Hinihintay umuwi ang anak
Dear Dr. Love,
Mang Enrico po ng Pasig. Maligayang bagong taon na sana, kaso hindi pa umuuwi ang anak ko kaya hanggang ngayon hinihintay ko siyang bumalik. Pasko ng siya ay umalis kasama ang boyfriend niya.
Hindi naman sana ako magagalit sa kanila kung nagsabi lamang sila na may relasyon sila. Tiwala ako na magkaibigan lang sila, pero ang totoo siyam na buwan na silang may relasyon. Nalaman ko lang sa barkada rin nila.
Paskong pasko napagalitan ko siya tapos akala ko gigimik lang sila, ‘yun pala nagpunta na sa Bicol, sa kamag-anak ng binatang ‘yun.
Mabait at magalang si lalaki kaya tiwala ako. Sama-sama silang nagpupunta sa bahay kaya hindi ko napapansin kung may kababalaghan na silang ginagawa.
Gusto ko sana maging malinaw sa akin kung ano ang balak nila. Nagtsa-chat at nagte-text ako sa kanila pero hindi sila sumasagot. Ayaw ko sanang magalit pero nag-iinit ang ulo ko sa kanila.
Matalino ang anak ko at masunurin. Kaya nagtataka ako sa kanya ngayon, naging pasaway at walang takot sa magulang.
Hindi ko alam ang gagawin ko kapag umuwi na siya rito sa bahay. Lalo na kapag nagsabing buntis na siya.
Mang Enrico
Dear Mang Enrico,
Sana unawain mo ang iyong anak. Kahit na naging pasaway siya sa iyo. Kailangan ang mahabang pasensiya at samahan mo ng dasal bago mo siya kausapin sakaling bumalik na siya sa inyo.
Ang dapat mong gawin ay makinig. Pakinggan mo ang mga sasabihin niya bago ka pa magsalita. Mainam na makita niya ang isang amang mapagmahal. Kaysa lalo pang lumalala ang problema ninyo.
Mas makakabuti kung mapapatunayan mong handa mo silang tanggapin at para malaman nila ang mali nilang ginawa na hindi mo sila napagsasabihan ng masasakit na salita at ginamitan ng mabigat na kamay.
Happy New Year! Hangad ko ang kaayusan ng inyong pamilya.
DR. LOVE
- Latest