Love affair ng Muslim at Kristiyano

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Amira, 20-anyos at isang Muslim. Konserbatibo ang pamilya ko at hindi papayag na kaming mga anak ay mag-asawa ng hindi Muslim. Papayag lang sila kung ang interesadong magpakasal sa amin ay magbabalik-Islam.

Si Raymond ay kasintahan ko na isang Kristiyano. Kaklase ko siya sa kolehiyo. Lingid sa kaalaman ng aking pamilya ang aming relasyon.  Nasabi ko na kay Raymond ang gusto ng aking mga magulang, pero hindi raw siya bibitiw sa kanyang pananampalataya kay Jesu-Cristo. Niyaya niya akong magtanan at ako raw ang magpa-convert sa Kristiyanismo.

Mahal ko si Raymond pero mas matimbang sa akin ang aking nakamulatang paniniwala. Alam kong mahal din niya ako ngunit pinapahalagahan niya ng higit ang kanyang pagiging Christian. 

Ano ang dapat kong gawin?

Amirah

Dear Amirah,

Okay lang ang mixed marriage kung ang isa sa magpapakasal ay handang magparaya, o kaya magkakasundong walang pakialamanan pagdating sa relihiyon.

Ngunit sa kaso ninyo ni Raymond, mukhang deboto kayo sa inyong pinaninindigang pana-nampalataya. Mahirap iyan kung magkatuluyan man kayo. Baka kayo magbangayan pagdating ng araw dahil lamang sa relihiyon.

Kaya kung hindi rin lang kayo makakagawa ng happy compromise, mas mabuting maghiwalay na lang kayo ng landas.

Dr. Love

 

 

 

           

 

 

 

 

 

Show comments