Dear Dr. love,
Hayaan mong bumati ako sa iyo at sa marami mong tagahanga at tagasubaybay. Tawagin mo na lang akong Lyndon ng Parañaque, 30-anyos at isang medical representative.
Sa trabaho kong ito, kung saan-saang lupalop ng Pilipinas ako nakakarating. Magmula ng magsama kami ni Lorna, three years ago, ito na ang naging trabaho ko. Hindi kami kasal ni Lorna dahil para sa kanya, kalokohan ito.
Dahil madalas akong out of town, nabalitaan kong nakikipagtagpo si Lorna sa ibang lalaki. Natural lang na makadama ako ng selos pero kinimkim ko na lang. Mahal ko kasi si Lorna at ayaw kong maniwala na siya’y nagtataksil sa akin.
Minsan, sinabi ko sa kanya na limang araw akong mananatili sa Cebu. Pero sa ikalawang araw pa lang ay nagbalik na ako dahil ipinatawag ako ng kompanyang pinaglilingkuran ko.
Pagdating ko sa amin, sa pagbukas ko pa lang sa pintuan ay nasa living room si Lorna at may katabing lalaki sa sofa na nakaakbay sa kanya habang ang kamay ni Lorna ay nakapatong sa hita ng lalaki, nanonood sila ng TV. Nagulat silang dalawa ng makita ako at ng tumayo ang lalaki para tumalilis, inundayan ko siya ng suntok sa mukha kaya kumaripas ng takbo, papalabas.
Sa laki ng galit ko, pinalayas ko si Lorna. Pero ngayon ay tiniteks ako at humihingi ng tawad at hindi na raw mauulit ‘yun. Dapat ko ba siyang patawarin? Mahal ko pa rin siya at dikta ng puso ko na patawarin siya. Pagpayuhan mo ako.
Lyndon
Dear Lyndon,
Pasalamat ka at common law wife mo lang siya. Kung nagkataong kasal ka sa kanya, daraan pa sa masalimuot at magastos na annulment ang pagpapa-annul sa kasal ninyo.
Ngayon wala na siya, malaya ka ng muli at puwede ng mag-move on. Patawarin mo siya pero huwag mo ng hangaring magkabalikan kayo. Unang-una, ‘yung pagsasama ninyo na walang kasal ay labag sa Diyos kaya marahil niloob ng Panginoon na mangyari iyan.
Ang babaeng tulad ni Lorna ay hindi karapatdapat sa iyo na isang ulirang partner na nagtatrabaho para sa kabuhayan ninyo. Huwag mo na siyang bigyan ng second chance para durugin muli ang puso mo.
Dr. Love