Dear Dr. Love,
Isang pinagpalang araw sa iyo. Tawagin mo na lang akong Mando, 24-anyos at binata pa. Ang problema ko ay tungkol sa aking girlfriend. Kasi, magkaiba kami ng relihiyon at hindi ko na sasabihin kung nasa anong relihiyon siya. Ako po ay debotong katoliko at mula pagkabata ay naglilingkod ako sa parish namin bilang sakristan at ngayo’y member ako ng choir.
Ang girlfriend ko naman ay deboto rin sa kanyang relihiyon at madalas namin itong pagtalunan. Pero magkagayunman, nagmamahalan kami.
May mga nagpapayong mas mabuti kung hindi kami magkatuluyan. Baka raw pagmulan pa ng seryoso naming pag-aaway ang magkaiba naming relihiyon.
Nag-iisip din po ako ngayon. Baka magkaroon din ng confusion sa relihiyon ang mga magiging anak namin.
Sa palagay po ba ninyo ay dapat kaming magkatuluyan? Pagpayuhan po ninyo ako, Dr. Love.
Mando
Dear Mando,
Kung ang isa sa inyo ay magbabago ng relihiyon upang maging compatible sa isa’t isa, the union may work out.
Pero tulad ng sinabi mo na lagi kayong nagtatalo sa isyu ng relihiyon, baka nga maging daan pa ito para mawasak ang inyong relasyon. Kung magsasama kayo na magkaiba ang inyong pananampalataya, tama ka, baka pagtalunan pa ninyo kung saang relihiyon sasapi ang inyong mga supling. Pati mga bata ay malamang malito sa usapin ng pananampalataya.
Kaya itinatagubilin sa Salita ng Dios na huwag makipamatok sa iba ang pananampalataya. Mag-usap kayong magkasintahan at sikaping magkasundo sa dapat gawin bago pa man mapag-usapan ang tungkol sa kasal.
Maaaring sa ngayon ay masasabi mong nagmamahalan kayo ngunit hanggang saan ninyo mato-tolerate ang inyong pagkakaiba ng relihiyon?
Dr. Love