Ayaw ko nang umibig

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Renelda, 25-anyos, dalaga at isang matatawag mong itinakwil na ang katagang pag-ibig. Sabi nila, sa edad kong ito ay papalapit na ako sa pagiging matandang dalaga. Ayaw ko ring danasin ito dahil may tiyahin ako na walang nag-aaruga dahil hindi nakapag-asawa.

Ayaw ko nang umibig dahil sa limang karanasan ko sa pakikipagrelasyon, puro kabiguan ang aking dinanas. Sa una kong boyfriend na si Rogel, naisuko ko ang aking pagkadalaga pero natuklasan kong siya ay may asawa na.

Sa ikalawa ay gayundin. Nagdalantao ako na nalaglag, pero siya rin ay may pananagutan na. Nagsunod-sunod ang mga kabiguan ko kaya isinumpa kong kailanman ay hindi na ko iibig muli.

Ngayon ay may nanliligaw uli sa akin na bagama’t natitipuhan ko ay natatakot akong sagutin. Ngunit natatakot akong tumandang dalaga. Pagpayuhan mo po ako kung ano ang nararapat kong gawin.

Renelda

Dear Renelda,

Kasalanan mo rin kung bakit dinanas mo ang ganyang mga kabiguan. Karakaraka mong isinusuko ang iyong pagkababae sa lahat ng lalaking nakakarelasyon mo.

Sa tingin ko, iyan ang dahilan kung bakit nagiging masama ang pananaw sa iyo ng kalalakihan. Nakikita ka nila as easy to get.

Kahit moderno na ang panahon natin ngayon, marami pa ring kalalakihan ang nagpapahalaga sa virginity ng babaeng kanilang pakakasalan. Hindi na puwedeng baguhin ang iyong lumipas.

Pero ang maipapayo ko sa iyo, maging maingat ka sa iyong pagkababae para respetuhin ka ng mga kalalakihan.

Dr. Love

Show comments