Buhay ng isang OFW

Dear Dr. Love,

Gaya ng ibang OFW, hangad ko rin ang mas komportableng buhay para sa pamilyang naiwan sa Pilipinas mula nang mag-abroad ako.

Limang taon ako sa ibang bansa at namasukan bilang factory worker. Hindi ako nakatapos ng kurso sa kolehiyo pero madiskarte ako. Kung ikukumpara ang kita ko noong andyan ako sa ating bansa, doble o kung minsan ay triple pa ang naiipon ko at naipapadala ko sa aking asawa at mga anak.

Mabait ang asawa ko at matiisin. Kaya nagtataka ako sa balitang pagpindeho sa akin ng dati niyang boyfriend. Hindi ako naniniwala noon, pero nagsunud-sunod ang mga obserbasyon na nakakarating sa akin hanggang ang kababata ko na si Mylene ang mismong nakakita na sumakay sa taxi ang misis ko at ang dati niyang boyfriend at pumasok ng motel.

Sa galit ko kay misis, hindi ko na tinapos ang kontrata ko at bumalik na ko ng Pilipinas pero hindi ako umuwi sa pamilya ko. Nakituloy ako kina Mylene. Malas lang dahil kalaunan ay na-stroke ako at matagal bago naka-recover. Nalaman ng misis ko ang tungkol dito at nagalit siya dahil nagtaksil daw ako. Nabaliktad pa ko, Dr. Love.

Pero aminado ako na ganon na rin ang nangyari dahil sa malasakit sa akin ni Mylene, nahulog na ang loob ko sa kanya. Nagkaroon kami ng relasyon at nagkaanak. Nabalitaan ko naman na nagsasama na ang misis ko at ang lalaki niya.

Ang problema ko ay nagalit ang mga anak ko sa akin, dahil iniwan ko raw sila. Dr. Love utang ko ang pangalawang buhay ko kay Mylene. Hindi ko alam kung magagawa kong makuha ang mga anak ko pero hangad kong magkaroon ng magandang direksiyon ang nawalay na landas ng pamilya ko. Payuhan po ninyo ako.

Robin

 

Dear Robin,

Marami sa mga kwentong narinig ko kaugnay sa mga OFW ay gaya ng sa’yo. Isang reyalidad na naniniwala akong maiiwasan kong si Kristo ang siyang magiging sentro ng pagsasama ng mag-asawa. Nangyari na ang nangyari, ang maipapayo ko ay pagtuunan mong makausap ang iyong mga anak para maibsan ang sama ng loob nila sa’yo, sila naman ang talagang lugi sa pagkakanya-kanya ninyo ng asawa mo.

Hindi mo nabanggit kung kasal kayo ng misis mo, pero kung ganon nga makakabuti kung lalapit kayo sa abogado para maging ganap ang kalayaan ninyo ng misis mo at para sa kani-kaniya ninyong relasyon. Sa kabila nito ay huwag kang makalimot na suportahan ang mga anak ninyo ng misis mo.

Dr. Love

Show comments