Nakipag-split dahil sa ina ng bf

Dear Dr. Love,

Mahirap pala kapag magulang ang kaagaw mo sa iyong minamahal.  Klasmeyt ko si Matthew sa Gen Bio. Pareho kaming kumukuha ng Nursing sa CEU.  Kung itsura lang gwapo at mabait siya.

Naging close kami nang ma-late siya sa subject na ‘yun nang may exam pa naman. Medyo nahihiya pa siya humingi ng papel nun at magsabing pakopya.  Mahigpit pa naman si Sir John, tuloy nahuli kami.

Hindi ko po ugali ang magpakopya, naawa lang ako sa kanya nun dahil wala siyang alam sa exam. Galing daw siyang Singapore, pinauwi ng mama niya para bigyan ng pang-tuition.

Ang nakakatuwa kay Matthew hindi siya maa­ngas kahit mayaman. Ang naamoy ko lang sa kanya, mama’s boy siya.

Pagkatapos ng klase kay Sir John, nag-sorry siya sa akin at nanlibre ng halu-halo. Every MWF (Monday, Wednesday, Friday) lang kami magkaklase. Kaya tuwing Tuesday at Thursday ay bihira kami magkita. Pero kapag magkasama kami, hindi nawawala ang kantiyawan at buyuhan na bagay daw kami.

Sa totoo lang swerte siya sa akin. Bukod sa maganda ay maaasahan pa pagdating ng kagipitan. Naging close nga kami…naging mag-on.

Ipinakilala niya ako sa kanyang  mother dear nang sunduin siya. Mabait naman  ang kanyang mommy pero mukhang may “something” sa kanya. Isang beses pa ay dinala uli ako ni Matthew sa bahay nila. Doon na ako nilapitan at kinausap ng mommy niya.

Sinabihan akong layuan ang anak niya dahil malayo pa raw si Matthew sa pangarap niya rito na maging doctor. Dahil dito, bago pa matapos ang semester, inaya kong pumunta ng St. Jude sa Mendiola si Matthew at doon ko sinabi na mas magiging mabuti kung kakalimutan na niyang naging kami.

Alam kong bitin siya and he is almost crying that time. Masakit din sa akin, Dr. Love pero sinabi ko sa sarili ko na kakayanin ko para na rin kay Matthew. ‘Yung na po ang huli naming pagkikita. Tama po ba ang naging desisyon ko? Promise, I really miss him. At minahal ko siya ng totoo.

Kaysie

 

Dear Kaysie,

Kung sa palagay mong makakabuti sa inyo ang iyong naging pasiya, hindi mo dapat pagsisihan. Naniniwala ako na gaya mo ay nasaktan din siya, marahil ay naging masunurin lang siyang anak. Magkagayun man, kung talagang kayo ang para sa isa’t isa naniniwala ako na magiging kayo pa rin. Dahil walang makakahadlang sa dalawang  tao na tunay na nagmamahalan.

Dr. Love

Show comments