Hindi matiyak ang damdamin

Dear Dr. Love,

Kumusta po Dr. Love, kasama ang inyong mga tagasubaybay at staff ng PS NGAYON. Umaasa po ako na matulungan ninyo ako sa aking suliranin.

Mangyaring ikubli n’yo na lang ako sa pa­nga­lang Sunflower ng General Santos City, 21 years-old. Sa edad kong ito, natatakot akong magkaroon ng kasintahan.

Mayroon po akong napaka-persistent na manliligaw. Tawagin n’yo na lang siyang Astro­ Boy. He is 23 years-old. Mabait po siya at medyo good-looking. Mahigit isang taon na po siyang nanliligaw sa akin pero ang panliligaw na ito ay sa sulat lamang niya sinasabi. Sinasagot ko naman ang mga sulat niya sa akin. Ang pagsusulatan naming ito ay alam ng kanyang mga kamag-anak at mga magulang.

Minsan, makalipas ang tatlong buwan na panliligaw ay nagsadya siya sa aming bahay na ikinagulat ko. Nagtapat siya ng pag-ibig sa akin nang harap-harapan. ‘Yung mga isinulat niya sa akin ay sinambit niya sa labi. Sabi niya, kahit matagal siyang maghintay ay okey lang. Ngunit, natatakot po akong pumasok sa relasyon.

Umaasa po ako na matulungan ninyo ako sa pamamagitan ng inyong payo. Salamat po nang marami.

Sunflower

Dear Sunflower,

Sa mga Kapampangan, may kasabihan na “subukan pa mu bayu mu abalu.” Subukan mo muna para malaman. Ang advice ko lang, huwag kang maging mapagbigay sa ano mang gugustuhin ng lalaki. May mga lalaking mapag­samantala.

Kung may damdamin ka para sa kanya, sagutin mo siya, pero dapat may limitasyon ang relasyon ninyo. Kilalanin mo munang mabuti kung karapatdapat siya sa iyo.

Kapag sinagot mo siya, hindi naman nanga­ngahulugan na siya na ang lalaking pakakasalan mo. Ngunit kung tiyak na tiyak mo nang siya nga ang lalaking angkop sa iyo at inaalok ka ng kasal, then by all means, go for it.

Dr. Love

 

Show comments