Nawili sa poder ng gf
Dear Dr. Love,
Tatlong taon na kaming magnobyo ni Gardo at may plano na sanang pakasal. Pero nagkaroon ng problema dahil na-aksidente siya sa pinapasukan niyang construction company.
Taga-Mindanao siya at walang malapitang kamag-anak sa Maynila, kaya ang nangyari sa akin siya nakiusap na makitira habang nagpapagaling. Dahil wala naman akong kasama sa inuupahang apartment, pumayag ako.
Matagal bago siya nakalakad dulot nang pagkahulog mula sa ika-apat na palabag ng ginagawa nilang gusali. Habang nagte-therapy siya, nakasuporta ako sa medikasyon niya at pangangailangan sa araw-araw.
May parlor po ako at nagbebenta ng mga ready-made dress na pinagkukunan ko ng aking kabuhayan. Dahil unti-unti ay nararamdaman kong kinakapos na ako, pinag-apply ko siya ng disability sa kompanyang pinapasukan niya.
Dumating sa punto na kahit ang kinikita ko ay hindi na sapat para sa akin. At dahil umiigi na naman si Gardo ay sinabihan ko siyang mag-apply na ng trabaho pero ayaw niya.
Nawili na siyang isandal sa akin ang mga pangangailangan niya, Dr. Love. Pinapaalis ko na nga siya sa bahay pero ayaw niya. Bakit nga naman, eh ang sarap ng buhay niya sa piling ko.
Hindi naman kami kasal, Dr. Love. Ano po ang dapat kong gawin para mawala si Gardo sa poder ko? Malaking pabigat na po siya sa akin. Tulungan mo po ako.
Gumagalang,
Helen
Dear Helen,
Sa pagkakaalam ko ang mga ganyang kaso ay maaaring ilapit sa inyong barangay para sila ang kumausap sa boyfriend mo na umalis sa bahay mo.
Kung manatili itong binabalewala ng boyfriend, maghain ka ng reklamo laban sa kanya. Pwede rin kumunsulta ka sa abogado para sa legal na aksiyon sa problema mo.
DR. LOVE
- Latest