Dear Dr. Love,
Ilang araw na lang ay wedding anniversary na namin ni Anton bilang mag-asawa. Pero hindi gaya ng mga nagdaang taon, hindi ako excited.
Ang totoo, naguguluhan po ako ngayon. Dahil bagaman, wala akong mairereklamo sa pagiging ama at asawa ng mister ko, dahil good provider siya sa pangangailangan naming mag-ina.
Pero ang hindi ko po ma-take ay may kahati ako sa kanya. Ang masaklap pa, isang lalaki ang kinalolokohan ng mister ko. Kabilang po siya sa tinutukoy ng modernong henerasyon na ito na bisexual.
Nakumpirma ko po ang bagay na ito nang makita mismo ng mga mata ko. Lingid sa kaalaman ni Anton ay sinundan ko siya isang gabing umalis siya ng bahay. At noon ko nga po nakita ang paglalampungan nila ng lalaki sa loob ng kotse niya.
Dahil sa nalaman ko, Dr. Love ay hindi ko na kaya ni-tumabi sa kanya sa aming kama. Prangkahan na po, nandidiri ako sa aking asawa. Pero hindi ko naman gusto ang ideyang masira ang aming pamilya, lalo na ang kinabukasan ng aming anak.
Tulungan po ninyo akong i-handle ito. Parang mababaliw na po ako dahil hindi ko malaman kung ano na ang kahihinatnan ng pagsasama naming mag-asawa. Hihintayin ko po ang inyong payo. Maraming salamat and more power!
Rose
Dear Rose,
Hindi ka makaka-move on kung hindi mo haharapin ang bagay na ‘yan. Alam kong hindi madali, pero kailangang kausapin mo ang iyong mister tungkol sa nalaman mo. Anuman ang kompirmasyon, dapat nakahanda ka rin. Para sa akin, hangga’t maisasalba pa ang relasyon, gawin. Baka naman kung kayo mismong mag-ina ang makikiusap kay Anton ay mabagabag ang puso niya at gugustuhin niyang magbago. Huwag ka muna mawalan ng pag-asa. Isama mo siya lagi sa iyong mga dasal. Dahil ang Panginoon natin ay hindi nauubusan ng paraan para sa ating ikabubuti.
God bless you and your family, Rose.
DR. LOVE