Driver na, lover pa
Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Riza, 30-anyos at may asawa. Isa akong government employee at ang mister ko ay driver ng isang mayamang negosyanteng babae.
Kahit driver lang siya ay malaki ang kinikita niya dahil mayaman ang kanyang amo. Pati mga kasuotan niya tulad ng pantalon, shirt at sapatos, pati pabango ay sinu-supply ng amo niya sa kanya.
Dahil dito’y naghinala na ako na may relasyon sila. Nung unang tanungin ko siya, pinabulaanan niya ito. Pero totoo pala. Sa kapipilit ay umamin siya. Pero sabi niya, para raw sa amin ang ginagawa niya. Naiyak ako.
Pero kalaunan ay naisip ko na tama siya dahil maliit ang suweldo ko sa gobyerno. Siya naman ay talagang walang mataas na pinag-aralan kundi third year high school.
Madalas ay isang linggo siyang wala sa piling ko dahil ang amo niya ang kasama niya.
Tama ba ang pagkunsinti ko?
Riza
Dear Riza,
Tama ba ang pagkunsinti mo? Mali. Parang lumalabas na call boy ang asawa mo na nagbebenta ng sarili para may ipakain sa kanyang pamilya.
Kahit trabahong hindi kalakihan ang sahod ay puwede naman niyang pasukan basta’t disente at walang maipipintas sa kanyang pagkatao.
Kahit lalaki siya, magpahayag ka ng pagtutol sa kanyang maling ginagawa.
Dr. Love
- Latest