Sakripisyo
Dear Dr. Love,
Isang mapagpalang hapon ang ipinaaabot kong pagbati sa inyo pati na sa lahat ng nagbabasa ng column na ito. Akala ko po ay lagi na lang akong reader ng Dr. Love pero ngayon, kasama na ako sa maraming humihingi ng payo.
Tawagin n’yo po akong Lucille, isang maralitang nangarap na makapagtapos sa kolehiyo at magkaroon ng mabuting trabaho.
Noong araw ay hindi namin kaya ito. Housemaid lang ang nanay ko at wala na ang tatay ko.
Mabait ang amo ng nanay ko kaya maliit pa lang ako ay pumayag siyang kasama ako ng aking ina sa bahay na kanyang pinagsisilbihan.
Nakatapos ako ng elementary at high school sa pampublikong paaralan. Pero pagdating ng college, wala na kaming panggastos. Napilitan akong pumasok bilang receptionist sa isang club. Halos tatlong oras lang ang tulog ko at pagkatapos ay pumapasok ako sa unibersidad sa kursong secretarial. Pero hindi nagtagal, napilitan akong mag-GRO dahil malakas ang kita. Nakatapos ako ng 2 year course at ngayo’y isang private secretary ng isang negosyante.
Binata siya at niligawan ako. Hindi niya alam ang background ko. Dapat ko bang sabihin sa kanya?
Lucille
Dear Lucille,
Ang ginawa mo ay dakilang sakripisyo alang-alang sa isang magandang kinabukasan. Hinahangaan kita.
Dapat transparent ka at sabihin mo ang lahat sa kanya. Masusubukan mo siya. Kung talagang mahal ka niya, hindi niya iintindihin ang iyong nakaraan.
Hindi mo naman marahil binaboy ang sarili mo sa pagiging GRO at ang tunay na intensyon mo lang ay maitaguyod ang iyong pag-aaral.
Dr. Love
- Latest