Dear Dr. Love,
Umaasa ako na sa pamamagitan n’yo ay mahahanap ko na ang solusyon sa mabigat kong problema. Ayaw ko nang ibunyag ang ang aking pagkatao kaya tawagin mo na lang akong Luring, 22-anyos. Kay dami kong dinulugan para humingi ng payo gaya ng aking mga malalapit na kaibigan pero wala akong makuhang solusyon.
Mabigat ang problema ko. Isang taon ko nang kasintahan ang aking boyfriend at kami’y nagmamahalan. Ngunit kay laking hinanakit ang nadama ko nang malaman ko na siya pala ay hiwalay sa asawa pero hindi annulled. Masakit sa akin na pinakatagu-tago niya sa akin ang sikretong ito.
Alam ko ang consequence nito. Magiging kalaguyo lang ako dahil legally, kasal ang boyfriend ko sa iba.
Madalas akong napapaisip na kawawa ako kung mabuntis ako. Karamihan sa mga friends ko ay nagpapayong makipag-break ako pero mabigat sa loob ko na gawin ito.
Gulung-gulo ang isip ko, Dr. Love. Ano ang gagawin ko?
Luring
Dear Luring,
Huwag mo nang guluhin ang utak mo lalo sa pamamagitan ng pagpapanatili sa ugnayan mo sa iyong boyfriend na may asawa.
Tanging pakikipag-break ang wastong desisyon na magagawa mo. Lahat ng tao ay nagkakamali. Ang pagkakamali mo ay charge to experience.
Kaya tumpak ang payo ng karamihan sa mga kaibigan mo. Dahil kinabukasan mo at ng posibleng maging anak mo ang nakataya kung itutuloy mo ang relasyon sa lalaking may asawa.
Dr. Love