Dear Dr. Love,
Mainit na pagbati sa iyo, Dr. Love. Tawagin mo na lang akong Mariz, 24-anyos at may asawa’t limang anak.
Pitong taon na kaming nagsasama ng mister ko at sa unang bahagi ng panahong iyan ay maligaya kami. Tawagin mo na lang siyang Celmo.
Nag-umpisa ang problema namin halos dalawang taon na ang nakalilipas. Lagi na siyang atrasado kung umuwi. Madalas ay inuumaga siya. Natuklasan kong may third party. Ito ay ‘yung kasamahan niya sa trabaho.
Nalaman ko ito mula sa aking kaibigang babae. Nang mag-usisa ako sa kanya ay hindi siya naglihim. Umamin siya at labis akong nasaktan.
Lalo akong nasaktan nang malaman ko na may isang taong gulang na siyang anak sa kanyang babae.
Sa pangyayaring ito’y gusto ko nang ipa-annul ang aming kasal. Hindi po ba ang marital infidelity ay isang ground ng annulment? Pagpayuhan mo ako Dr. Love.
Mariz
Dear Mariz,
Tama ka. Ground for annulment ang marital infidelity. Pero bago ka magpadalus-dalos ay mag-usap muna kayong mag-asawa at baka naman maresolba ang problema.
Kung talagang wala nang paraan para magkasundo kayo, marahil ay doon pa lang ninyo dapat ikonsidera ang annulment.
Hindi lang ikaw ang dumanas ng ganyang problema. Mayroong iba na naayos ang problema sa relasyon at sa palagay ko, ang madadaan sa pagkakasundo ay pagsikapang gawin.
Dr. Love