‘Tutuluyan’ na ang kabit

Dear Dr. Love,

Ang kaibigan ko pong si Ligaya ay siyam na taon nang sumakabilang buhay sa sakit na cancer. Wala siyang kaalam-alam na nagkaroon kami ng relasyon ng kanyang asawa. Ito ay noong panahon na nagkakalabuan sila dahil hindi makabuo ng anak.

Pero nagkabalikan din sila nang magbuntis na ang kaibigan ko, kaya nagpasya akong lumayo at tinanggap ko nang hindi kami para sa isa’t isa ni Merto. Pero kung kailan naman na nananahimik na ako ay saka naman nagkasakit si Ligaya at namatay.

Kaya lumalapit muli si Merto sa akin at pilit na binubuhay ang aming nasimulang relasyon. Nagpapatulong din siya sa pag-aalaga ng kanyang anak. Napamahal na po ng husto sa akin ang bata at hindi ko na kakayaning mawalay pa sa kanilang mag-ama.

Hindi man kami magkaanak ni Merto dahil 40-anyos na ako at siya naman ay 45-anyos, ang kanyang anak ang nagbibigkis sa amin. Pero ang payo ng mga kaibigan ko, kalimutan ko na raw ang namagitan sa amin ni Merto dahil hindi raw magandang tingnan.

Payuhan mo po ako, Dr. Love. Dapat ko bang bigyan ng pagkakataong mabuhay uli ang dati naming pag-iibigan ni Merto?

Gumagalang,

Donna

Dear Donna,

Hindi mo nabanggit kung single ka o hiwalay. Assuming na wala kang pananagutan sa buhay. Wala akong nakikitang diperensiya dahil siyam na taon na namang balo si Merto. Kung natitiyak mo naman sa iyong sarili na mahal mo siya at tanggap mo ang kanyang anak, maaari kayong pakasal.

Marahil ang pangamba ng mga kaibigan mo ay ang naging pagtataksil ninyong dalawa ni Merto na ngayon ay malaya na ninyong maipapangalandakan. Pero nangyari na iyon at hindi na mababago pa, hindi naman na kayo makakahingi ng tawad sa taong patay na. Kaya lumapit kayo sa Dios na Siyang makapagbibigay ng kapanatagan sa inyo sa hangarin na magsama bilang mag-asawa.

DR. LOVE

Show comments