Ayaw sa kama ng ex-wife
Dear Dr. Love,
Unang gabi pa lang ng aming honeymoon ng aking misis ay nagkaroon na kami ng tampuhan. Dahil ayaw niyang matulog sa matrimonial bed namin ng aking ex-wife.
Hintay ako nang hintay sa aming silid. Nang mainip ako ay hinanap ko si Mina na natutulog na pala sa guest room ng aming condo. Hindi pa kami kasal ay sinabi na niyang ayaw niyang matulog sa kama na ginamit namin ng dati kong misis.
Nagkahiwalay po kami ng dati kong asawa dahil natuklasan ng aking mga magulang na nagpakasal siya sa dati niyang boyfriend kaya walang bisa ang kasal namin. Nagkagalit kaming dalawa at ‘yun na.
Ikinasal kami ni Mina at sa dami ng kailangang asikasuhin ay hindi ko naisama ang pagbili ng bagong kama. Ang gusto niya ay sa guest room na lang muna kami matulog habang hindi pa napapalitan ang kama. Pero mas komportable ako sa malaking silid.
Nagbanta pa siya na uuwi sa kanyang unit kapag binalewala ko ang kahilingan niya. Tinotoo niya po ito, kaya hiwalay kaming natulog noong gabing ‘yon.
Hindi ko po gusto ang nangyari, Dr. Love pero kasi sa akin ay kaartehan na lang ang kapritso niya. Isa pa, ayaw ko na lumalabas na susundin ko ang lahat ng gusto niya. Dapat ko bang pagbigyan si Mina? Ano po ba ang koneksiyon ng kama o paglipat namin ng masters bedroom? Pagpayuhan po ninyo ako.
Gumagalang,
Nanding
Dear Nanding,
Maituturin na insecurity ang nararanasan ng asawa mo. Maaaring ipinapaalala ng kama sa kanya na siya ay pangalawa lang at may una kang ihiniga doon. Hindi naman mahirap ang hiling niya, kaya para sa kapayapaan ng pagsasama ninyo at mahimbing na tulog habang katabi ang isa’t isa, pagbigyan mo na.
DR. LOVE
- Latest