Sa harap ng tukso
Dear Dr. Love,
Ipinararating ko sa inyo ang aking masayang pagbati pati na sa staff at mga tagasubaybay ng iyong column.
Ang pangalan ko ay Digna at limang taon na akong kasal sa aking asawa. Sa gulang kong 26 ay naghahanap pa rin ako ng init ng pag-ibig, bagay na hindi maibigay sa akin ng aking asawa na isang taon nang baldado dahil sa stroke.
Maraming tukso sa paligid. Palibhasa ay alam ng lahat ang kalagayan ng asawa ko, maraming nagpapalipad-hangin na kalalakihan sa akin. Isa na rito si Dennis. Matipuno ang katawan at guwapo.
Minsan ay pinrangka ko na siya. Sabi ko, kailan man ay hindi ko pagtataksilan ang asawa ko sa kabila ng kanyang kalagayan.
May maliit kaming grocery at ako ang tumatao. Madalas doon si Dennis, at nang minsang iabot niya ang kanyang bayad sa isang kahang sigarilyong binili niya ay hinawakan niya ang aking kamay.
Agad ko itong inilayo sa kanya. Pero sa totoo lang, may kakaiba akong nadama sa aking puso. Mali pero naroroon ang damdaming ‘yon. Pagpayuhan mo po ako bago ako madapa sa tukso.
Digna
Dear Digna,
Maganda ang pangalan mo Digna. Dignidad ang ipinahihiwatig. Lahat ng tao ay tinutukso pero hindi lahat ay nadarapa sa tukso dahil pinapangalagaan nila ang dignidad.
Iyan ang gawin mo bilang isang marangal na babae at asawa sa iyong mister na may kapansanan.
Ano pa man ang kalagayan niya, nang ikasal kayo ay sumumpa kayo sa Diyos na magiging tapat sa isa’t isa. Huwag mong sisirain ang sumpang iyan. Sa kondisyon ng asawa mo, lalung mahalaga ang iyong kalinga, pag-ibig at katapatan hanggang kamatayan.
Dr. Love
- Latest