Dear Dr. Love,
Maligaya at mabiyayang Pasko sa iyo. Kung ako ang tatanungin mo, hindi ko masabing masaya ang aking Pasko. Mayroon akong maselang karamdaman na ayon sa doktor ko’y wala nang kagalingan bagaman at puwedeng ma-control.
Siyanga pala, tawagin mo na lang akong Thelma, 23-anyos at may kasintahan. Tatlong taon na kami ni Rodil at nagbabalak nang magpakasal sa susunod na taon.
Pero may natuklasan akong sakit ko. Minsan ay nabuwal ako habang nagbubukas ng gate ng aming tahanan para igarahe ko ang aking dina-drive na sasakyan.
Nakita ng doktor na sumuri sa akin na ako ay may multiple sclerosis. Nasindak ako sa paliwanag ng doktor. Ito raw ay ang unti-unting pagkasira ng mga nerve sa aking katawan na nag-uugnay sa utak. Sa katagalan daw ay mapaparalisa ang may ganitong sakit at mamamatay.
Narinig ko na ang karamdamang ito. Isang malayong kamag-anak ang nagdusa ng maraming taon. Nawala ang kanyang mobility hanggang sa hindi na makapagsalita at ang kinahantungan ay kamatayan.
Hindi pa ito alam ng aking boyfriend at hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa kanya. Ano ang gagawin ko?
Thelma
Dear Thelma,
Huwag kang masiraan ng loob. May mga kakilala akong may ganyang sakit pero buhay pa rin at nakagagalaw ng normal. Depende iyan sa medikasyon at protocol na ipapayo sa iyo ng doktor.
Huwag ka ring makalilimot na manalangin para sa iyong kagalingan.
Sabihin mo iyan sa iyong kasintahan. Lalung mas kailangan ka niyang damayan sa kalagayan mong iyan. Kung mahal ka niya, hindi siya mag-aatubiling ituloy ang pagpapakasal sa iyo.
Dr. Love