Nangungulila tuwing magpa-Pasko

Dear Dr. Love,

Kamusta? Napakalamig na tuwing gabi at talagang nagkalat na ang kumikinang na mga parol sa paligid. Nakaka-relax, nakakaaliw pero may hatid ding kalungkutan ito para sa akin.

Ikalawang taon na ito na solo kong ginugunita ang Pasko. Dahil hiwalay kami ng aking asawa. Inaamin ko pagkakamali ko ang lahat. Naging arogante ako at iresponsable dahil isinantabi ko ang aking pagiging pamilyadong tao, para sa babaeng nakilala ko sa isang social gathering.

Mabilis na kumalat ang lahat tungkol sa amin at nakarating sa aking asawa at tatlong anak. Kaya kahit pa magpatay-malisya ay wala nang epekto. Naging matindi ang pagtatalo namin at talaga naman na nakita kong nasaktan ng todo ang aking asawa.

Sisingsisi po ako sa aking ginawa at ngayon na nilulugmok ako ng kalungkutan ay nami-miss ko nang sobra ang aking asawa at mga anak. Pero hindi ko po alam kung saan magsisimula.

Minsan natatawa na lang ako sa sarili ko. Dahil bigla na lang akong naluluha. Dr. Love, tulungan po sana ninyo akong makuha muli ang tiwala ng aking asawa. Tulungan n’yo po akong iparamdam sa kanya kung gaano ko siya kamahal.

Maraming salamat po at maligayang Pasko sa inyo.

Gumagalang,

Sammy

Dear Sammy,

Hindi magiging madali ang lahat sa umpisa, pero manatili ka sa panunuyo at pagpapa­kumbaba. Ikaw ang nagdulot ng sugat sa kalooban ng iyong asawa, kaya sa lahat ng paraan ay sikapin mong mapaghilom ito ng katapatan at sinseridad. Kung paano, ikaw lang ang nakakaalam dahil mas kilala mo ang kiliti ng iyong asawa. Kasama mo kami sa panalangin na muling mabuo ang iyong pamilya ngayon Pasko.

DR. LOVE       

Show comments