Dear Dr. Love,
Please call me Tommy, 16 years old and I’m in my 4th year in high school.
Ang problema ko ay wala pa rin akong girlfriend samantalang ang mga kabarkada ko sa school ay laging may dates.
Naiinggit ako sa kanila dahil kapag nagkukwentuhan kami ay ipinagmamalaki nila ang kanilang siyota samantalang ako’y walang maipagmamalaki sa kanila.
Heto ang masakit. Ako ang tagagawa nila ng love letter dahil magaling ako sa English at sa larangan ng pagsulat.
Pero ako mismo ay hindi marunong manligaw. Lagi akong hanggang tingin na lang. ‘Yun ngang crush ko ay nakursunadahan ng aking best friend sa school at ako ang gumawa ng love letter kaya nakuha niya ito.
Laging mataas ang grades ko sa English at literature at ako’y isa sa mga editors ng aming school paper. Bilib sa akin ang mga teachers dahil sa lahat ng academic subjects ko ay lagi akong nasa top.
Ang wish ko lang, may mga babaeng humanga rin sa kakayahan ko. Paano ko maaalis ang aking pagka-torpe?
Tommy
Dear Tommy,
Huwag kang mainggit sa mga kaklase mo dahil mayroon silang mga girlfriend. Ikaw ang dapat nilang kainggitan dahil may katangian kang wala sa kanila.
As of now, mas importante ang pag-aaral Tommy kaya roon ka muna mag-focus imbes na magmukmok ka at isipin kung papaano ka magkakaroon ng siyota.
Dalhin mo ang kalidad mong iyan sa pag-aaral hanggang matapos ka ng kolehiyo at malayo ang mararating mo.
Kapag nasa tugatog ka na ng tagumpay, mga babae ang magkakandarapa sa iyo.
Dr. Love