Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Liza, dating OFW. Ganito po ang problema ko. Lumabas ang tunay na kulay ng asawa ko magmula nang lumuwag-luwag ang buhay namin dahil sa pagtatrabaho ko sa abroad.
Hindi na siya nagtrabaho at umasa na lang sa kinikita ko. Nang bumalik ako sa Pilipinas, akala ko’y may kaayusan na ang tahanan namin at mayroon nang sapat na impok para sa aming pamilya. Wala.
Kung ano ang iniwanan ko, ‘yun pa rin ang dinatnan ko. At masahol pa ang nangyari, naging lasenggo at umbagero ang aking asawa.
Hindi pa rin siya nagtatrabaho kaya napilitan akong humanap ng trabaho kahit sa Pilipinas.
Lalong nawala ang respeto ko sa kanya nang mabalitaan ko na may babae siya sa lugar namin.
Apat ang anak namin at kailangan ko ng responsableng katuwang sa buhay. Kasalanan ba kung hangarin ko na balang araw ay may darating sa aking lalaki na marunong magmahal at responsable?
Sobra-sobra na ang hirap na dinaranas ko, Dr. Love. Iniisip ko rin ang kapakanan ng aking mga anak. Please, pagpayuhan ninyo ako.
Liza
Dear Liza,
Kahit sino ang nasa kalagayan mo ay malamang na ganyan din ang madarama. Sino ba namang babae ang hindi mawawalan ng pag-ibig sa ganyang uri ng lalaki?
Tinatanong mo kung puwedeng humanap ng iba na mapagmahal at mapagmalasakit? Ewan ko lang pero paano mo matitiyak na makakakuha ka ng ibang mas mabuti kaysa sa malupit mong asawa? Paano kung masahol pa pala siya?
Pero karapatan mong magdesisyon sa sarili mong problema. Ngunit balido ang kasal mo sa iyong asawa at bago ka makipagrelasyon sa iba, kailangan munang mawalan ng bisa ang kasal mo.
Kumunsulta ka muna sa abogado sa bagay na iyan.
Dr. Love