Siyotang gatasan

Dear Dr. Love,

Naguguluhan na ako sa problema ko kaya ipinasya kong sumulat sa iyong column na Dr. Love.

Bago iyan ay binabati muna kita ng isang mabiyayang araw. Napaka-complicated ng problem ko, Dr. Love. Tawagin mo na lang akong Aida, 29-anyos at wala akong masa­bihan sa problema ko dahil nakakahiya. Para kasing lumalabas na sugar mommy ako sa relasyon ko sa aking boyfriend.

Lagi siyang umuutang ng pera na hindi na niya isinasauli. Noong una ay okey lang sa akin pero napansin kong dumadalas ang pangungutang niya. Sabi ko sa sarili ko, baligtad ang situwasyon. Imbes na ako ang bigyan ay siya ang hingi nang hingi.

Madalas ay ako ang sumasalo sa mga atraso niya at hindi naman ako makatutol kapag humihingi ng tulong.

Sasabihin ko po sa inyo ang totoo. Nakahiram siya ng malaking halaga at halos mawala na ang aking savings. Nao-offend ako sa madalas niyang panghihiram.

Aida

Dear Aida,

Masyado kang nagpaubaya kaya nasanay siya. Ayokong sisihin ka pero bakit pinabayaan mong umabot sa puntong naubos ang savings mo sa bangko?

Dahil sa nangyaring iyan, nagmukha kang gatasan. Tulad ng sinabi mo “sugar mommy.”

Ang masasabi ko’y dispatsahin mo na iyan at baka pati kaluluwa mo ay maisanla mo sa kanyang panghuhuthot.

Ang problema mo lang ay ang malaking utang niya sa iyo na malamang hindi mo na mabawi.

Dr. Love

Show comments