Umibig sa kambal

Dear Dr. Love,

Hello po! Matagal ko na po sanang nais na lumiham sa inyo, dangan nga lang at nakahiyaan kong ipadala ang kuwento ng buhay ko na hindi ko akalaing parang pampelikula  sabi nga ng mga nakakaalam at kilala ako sa tunay na buhay.

Ako po si Leon, isa nang retiradong empleyado ng isang malaking kompanya ng langis sa Gitnang Silangan. Ang naging separation pay ko ay sapat na sapat na para maipagamot ko ang aking sarili at mabili ang aking mga pangangailangan. Pero ang lahat ng aking mga anak na may kani-kaniya nang buhay na matatag ay nagpapadala ng suporta, pasasalamat daw sa naging pagtaguyod ko at pantay-pantay na pagmamahal sa kanilang magkakapatid.

Dalawang babae po kasi ang minahal ko sa buong buhay ko. Si Claire talaga ang una kong natipuhan pero dahil may nobyo na siya nang mga panahong iyon ay inireto niya ako sa magbabalik-bayan niyang kakambal na si Chona. Ang naunsiyami kong puso ay sumigla uli, dahil talagang magkamukhang-magkamukha sila, parehong maganda. Kaya hindi na ako nag-aksaya ng panahon at niligawan hanggang ayaing pakasal si Chona.

Pero nabiyudo ako, inatake sa puso si Chona nang maipanganak ang aming bunso, na himalang nabuhay. Naulila kaming mag-aama, ako at ang dalawa naming anak ni Chona. Dahil wala akong kaalam-alam sa pag-aalaga ng sanggol, nagboluntaryo si Claire na siya munang mag-uuwi sa baby namin.

Hindi inaasahang nabiyuda rin si Claire dahil namatay sa engkwentro sa Mindanao ang kanyang sundalong asawa. Kaya nagkaroon ng pagkakataon ang naunsiyami kong pagtatangi sa kanya. Kalaunan inaya ko na siyang pakasal. Naging maligaya kami, kahit pa dumating ang sandaling bawiin na rin ang kanyang buhay. Atake rin sa puso ang ikinamatay ni Claire.

Nang mga panahong ito, hindi na ko nag-abroad. Tinutukan ko ang aking limang anak hanggang sa makatapos silang lima. Ang dalawa naming anak ni Chona at ang tatlong anak ni Claire, kambal ang ikalawa.

Wala po talaga akong isasangguning pro­blema, gusto ko lang po i-share at mai-inspire ang mga readers ninyo sa love story ko, at sana maging ehemplo rin ito sa aking mga anak.

Gumagalang,

Leon

Dear Leon,

Natitiyak kong kinapulutan ng magandang ins­pirasyon ang liham mo. Salamat sa pagbabahagi nito sa amin. Nawa’y dumami ang lalaking gaya mo para lahat ng isisilang na anak ay lumaking punung-puno ng pagmamahal sa magulang.

DR. LOVE

Show comments