Kiming maybahay

Dear Dr. Love,

Ang pagiging simple sa kabila ng natural na kagandahan ng aking asawa ang katangian na talaga namang nagpaibig sa akin, mala­king bonus pang maituturing ang pagiging mabuti at maasikasong maybahay niya. Pero ang napapansin ko ay wala siyang kompiyansa sa kanyang sarili kapag nasa harap ng ibang tao, bagay na gusto ko po ma-enhance sa kanyang personalidad.

Isa sa mga paraan naisip ko ay isama ko siya nang mas madalas sa mga office affair para masanay siyang makihalubilo sa aking mga officemates, pero naoobserbahan kong kimi siyang makipag-usap. Ang sabi niya baka raw magkamali siya ng masabi at makasama pa sa akin.

Sa kagustuhan kong magkaroon ng kumpiyansa sa sarili ang mahal kong asawa, pinapupunta ko sa aming bahay ang aking sekretarya para tulungan siya kung paano makihalubilo at kung minsan pinasasamahan ko rin ang aking misis kapag mamimili ng damit.

Ang problema, iba ang pakahulugan dito ng aking asawa. Nananawa na raw ako sa kanya, kaya pinapabago niya ang itsura ko. Ang masaklap pa ay nagpag-iisipan niyang may kaugnayan kami sa isa’t isa ng aking sekretarya.

Ayaw ko po mawalan ng kontrol sa nagiging kakitiran ito ng aking asawa, dahil siya lang talaga ang nag-iisang babae sa buhay ko at mahal na mahal ko po siya at ang aming mga anak. 

Ang mga ginagawa ko ba para sa kanyang kabutihan ay isang uri ng pagdidikta para baguhin ko ang kanyang katauhan? Sana po matulungan­ ninyo ako.

Gumagalang,

Jojo

Dear Jojo,

Dahil simula’t sapul ay talagang simple ang misis mo, maaaring magmukhang binabago mo nga ang pagkatao niya. Ang magandang gawin ay hinay-hinay lang, huwag mong madaliin ang lahat. Sikapin mo rin na laging punuin ng pagmamahal, paglalambing at pang-unawa ang bawat hakbang na gusto mong matutunan niya.

Kung magiging consistent ka sa bagay na ito, natitiyak kong magiging maayos ang lahat sa pagitan ninyong mag-asawa, sa kabila ng hangarin mong mas maging ismarte ang iyong asawa sa harap ng iyong mga kaopisina.

DR. LOVE

Show comments