Dear Dr. Love,
Sumakabilang buhay na ang mister ko, pero ang bunga ng kanyang desisyong bumili ng lote at magtayo ng bahay sa tapat ng kanyang ate sa isang subdivision dito sa Metro Manila ay nagdudulot ngayon ng problema sa akin at sa aking mga anak at mga apo.
Alam kong naawa ang mister ko kaya nagkaganon. Gusto niyang matulungan na maka-komisyon ang sister in-law ko at madidisiplina pa niya ang mga pamangkin na nalululong sa bawal na gamot. Balo na po kasi ang ate ng mister ko.
Makailang beses na rin ipinasok sa rehab ang mga anak niya pero naubos na lang ang naiÂwanang pera ng kanyang asawa na walang nangyari. Dahil hindi naman natatapos ang gamutan, tumatakas kasi at bumabalik sa dating gawi.
Pinoproblema ko po ngayon ang pasya ng aÂking anak na lalaki, na ibenta ang bahay at lupa para makalayo kami sa peligro. Pero tumututol po ang anak kong bunso dahil ‘yun daw ang kauna-unahang pundar ng kanilang daddy.
Nagbanta ang anak kong lalaki na siya mismo ang magsusuplong sa mga awtoridad sa ginagawa ng kanyang tatlong pinsan na kinukunsinti ng kanilang ina sa paggamit at pagtutulak ng droga.
Hindi ko po gustong umabot sa ganito ang sitwasyon, Dr. Love. Ano po ba ang mabuting solusyon sa kasong ito? Hindi na maganda ang sitwasyon dahil lagi kaming kakaba-kaba kung mayroong humihintong police mobile sa tapat ng aming bahay na katapat lang ng bahay ng hipag ko. Ang inaalala ko, baka ang paghinalaang nagsuplong ay ang anak ko o sinuman sa amin at kami ay bubuweltahan.
Maraming salamat po sa pagbibigay daan ninyo sa liham kong ito.
Gumagalang,
Nanay Delia
Dear Nanay Delia,
Kung saan magiging panatag ang inyong buong pamilya, doon kayo lumugar habang may pagkakataon pa. Aanhin ninyo ang naipundar kung araw-araw namang kakabug-kabog ang inyong dibdib at walang kapayapaan ang inyong kalooban?
Dr. Love