Mabait lang kung may date

Dear Dr. Love,

Mayroon po akong boyfriend sa ngayon, pero hindi ko alam ang status ng aming relas­yon.

Mahal ko si Jay at alam ko namang mahal din niya ako. Pero mayroon siyang mga mood na hindi ko nagugustuhan. May pagka-nerd siya, palibhasa’y scholar at sa science­ course ang kinukuha.

May mood din siya kung saan lumalabas ang pagkapikon niya at abusado sa pagsasalita, lalo na kung nagkakaroon kami ng diskusyon. Madalas laging pautos ang trato niya sa akin kapag may ipapahiram na libro sa library o ipapabili na libro kung sales sa Recto.

Ang sabi nga ng best friend kong si Cathy, wala man lang kalambing-lambing si Jay sa akin. Napapansin ko na mabait lang siya at maganda ang disposisyon para sa akin kapag may date kami. Nakikita ko lang din siyang masaya kapag kainuman niya ang mga kapwa scholar.

Ang sabi niya ay seryoso naman siya sa aming relasyon. Pero hindi ko po ma-imagine ang magiging future ko sa kanya. Katatapos lang ng aming bangayan at sa pagkakataong ito ay desidido na akong iwanan siya.

Gumagalang,

Cassandra

 

Dear Cassandra,

Ang mga bagay na hindi pinagkakasunduan sa pagitan ng kahit ano pa mang relas­yon, maging ito ay sa mag-asawa o kahit sa magkasintahan pa lamang ay pinag-uusapan. Para magkaintindihan at mula doon ay kapwa magkaroon ng adjustment sa bawat panig.

Hindi naman ganoon kalala ang sitwasyon ninyo ng iyong boyfriend. Pero pinakama­buti na huwag kang magdesisyon kapag galit  o inis ka. Pagkahupa ng galit o inis ay saka mo pag-isipan ng mabuti ang sitwasyon ninyo ng iyong boyfriend. Kausapin mo siya tungkol sa nagiging problema ninyo sa inyong relasyon.

Kung nagawa mo na ang bagay na ‘yan at wa’ effect pa rin, ikaw lang makakapagpasya kung magpapatuloy ka pa o hindi na sa inyong relasyon.

Dr. Love

Show comments