Dear Dr. Love,
Sa kakukulit sa akin ng aking anak na si Amado na bumisita sa kanilang bagong bahay, nagsadya ako rito kasama ang aking pinsan na si Nori.
Pero ang pananabik na makita ang aking anak ay napalitan ng sama ng loob dahil sa inasal ng aking manugang.
Nataon na wala noon ang aking anak. Sa pagbungad pa lang ng manugang kong si MilagÂros ay dama ko na pilit ang ngiti niya. Ang lubhang ipinagdamdam ko, sa halip na alukin niya kami ng maiinom dahil kumuha rin naman siya ng coke sa kanilang ref ay dinaan-daanan niya lang kami at dumiretso sa kanilang kuwarto.
Mag-aalas dose na nang lumapit ang katulong at nag-alok ng snack dahil matagal pa aniya ang tanghalian. Pero tinanggihan ko para hindi mawala ang gana ko sa oras ng pagkain.
Nang dumating si Amado ay nun lang din lumabas ng kuwarto ang manugang ko. Saka siya nagpakitang giliw sa amin ni Nori. Halatang nasaktan din ang pinsan ko sa inasal ni Milagros at napahiya po ako.
Hindi na po nasundan ang pagbisita kong iyon, hindi ko naman magawang magsabi sa aking anak dahil baka pag-awayan pa nila iyon. Pagpayuhan po ninyo ako Dr. Love, hindi kaya naging sensitibo lang ako sa aking manugang o kaya’y naging mapaghanap? Binastos ba niya ako sa ikinilos niya? Paano ko kaya maipapaÂhiwatig sa aking anak ang tungkol dito?
Gumagalang,
Aling Gracia
Dear Aling Gracia,
Palagay ko hindi ka naman naging sensitive sa pagbisita mo sa bahay ng iyong anak. Dahil sadyang may pagkukulang ang iyong manugang. Tama rin na maaaring pagmulan nila ng misunderstanding kung mag-o-open ka sa iyong anak, pero ang maganda rito ay maitatama ang pagkakamali.
Kung masasabi mo sa iyong anak ng walang gatong ang naging sitwasyon nang dumalaw ka, bigyan-diin mo na para matulungan niya ang asawa na kumilos ng tama sa harap ng biyenan at hindi para awayin at magkagulo na sila.
Sa ganitong paraan ay nagagampanan mo pa rin ang pagiging magulang mo hindi lang sa iyong anak kundi lalo na sa iyong manugang.
DR. LOVE