Nagsisikap magbago

Dear Dr. Love,

Kasalukuyan po akong abala sa aking rehabilitasyon dito sa loob ng pambansang piitan. Nakulong po ako dahil sa pagtutulak ng bawal na gamot.

Nasa katiyakan na po ako sa aking sarili na magbabagong-buhay, makakuha lamang ng sapat na pagpapanimula para sa paglagay sa tahimik namin ng aking girlfriend. Sa laki po ng pagmamahal ko sa girlfriend ko, handa akong gawin ang lahat para maibigay ang ano mang hilingin niya.

Ang masaklap po, hindi pala maaasahan ang pagmamahal niya sa akin. Dahil nang mahuli na ako, pinandirihan na ako at nilayuan ng babaeng mahal ko. Pero wala akong magawa para aluin siya at himuking huwag akong talikuran dahil wala nga naman siyang magandang kinabukasan sa akin. Ipinakasal na siya ng mga magulang sa isa niyang kababata na kauri niya ang buhay.

Sa ngayon po ay nagsisikap akong makabangon uli. Nais kong sa paglaya ko, mabawi ko ang tiwala ng mga taong pinagkakautangan ko ng buhay. Pinagsisisihan ko na ang pagbubulid ko sa masamang bisyo ng maraming kabataang pinagbebentahan ko ng bawal na gamot.

Nag-aaral din po ako dito sa loob para kung sakaling makalaya na ako, hindi na ako babalik sa dating gawi. Mahirap talaga ang walang inabot na mataas na edukasyon. Gusto mo mang umunlad sa mabuting paraan, wala akong kakayahang mamasukan sa mga nangangailangan ng empleyado na may natapos na kurso.

Ang pangako ko sa sarili, makalaya lang ako hinding-hindi na ako babalik sa dating trabaho. At higit sa lahat, hindi na ako kukuha ng siyota na hindi ko kalebel ang antas ng buhay.

Maraming salamat po at sana may mapulot na aral ang mga kabataan sa karanasan kong ito.

Gumagalang,

Nathan B.

Dear Nathan,

May pinag-aralan man o wala ang isang tao, puwedeng tumahak sa malinis na landas ng buhay kung marunong magtiyaga, nagsisikap na magtrabaho sa malinis na paraan.

Maaaring ang pagkakasakote sa iyo ay isang nakatadhanang paraan para matutuhan mo ang magandang aral ng buhay. Hindi maganda ang panlalamang sa kapwa. Isang magandang panimula ang makita mo ang iyong pagkakamali at naroon ang pagsisikap sa puso mo para mabago ang ito.

Samahan mo ng panalangin ang bawat hangad ng iyong positibo para mas makamit mo ang determinasyon na maisaayos ang buhay mo. Tandaan mo na laging nakikinig ang Dios, bigyan mo lang siya ng pagkakataon na makakilos sa puso mo.

Hangad din ng pitak na ito ang pag-ibig na magpapakulay sa iyong pagbabagong-buhay.

DR. LOVE

 

Show comments