Dahil sa aso

Dear Dr. Love,

Hindi ko malilimutan ang love story ko na nang­yari may 4 na taon na ang nakararaan bago kami ikasal ng aking asawa.

Tawagin mo na lang akong Mauro, 31 anyos at ang misis ko ay tawagin mo na lang Alexa.

Nakilala ko si Alexa sa isang hindi inaasahang pagkakataon. Sa aking pagdya-jogging sa aming subdivision ay napansin ko ang mga larawan ng asong poodle na nakapaskil sa mga pader at poste.

Ito ay nawawalang aso na kamukha ng napulot ko at inalagaan ko sa loob ng dalawang linggo.

Tiningnan ko ang address ng may-ari at dali-dali kong dinala ito sa kanya. May kalayuan dahil ito ay nasa kabilang subdivision.

Tuwang-tuwa si Alexa nang makitang muli ang pinakamamahal niyang aso. Inaabutan pa niya ako ng pabuya pero hindi ko tinanggap. Nang tanungin niya kung ano ang gusto kong reward, pabirong sinabi kong “ikaw.” Napa­ngiti lang siya pero yaon ang simula ng aming pagkakaibigan na nauwi sa pagmamahalan.

Ngayon ay marami nang inianak na poodles­ ang aso namin at kami naman ay may dalawang anak na rin.

Wala po akong payong hihingin Dr. Love pero kapag nagkaroon kami ng problema (sana wala) ay susulat muli ako sa iyo.

Mauro

Dear Mauro,

Salamat sa pagbabahagi mo ng iyong love story. Totoo na may mga maliliit na pangyayari na hindi natin inaasahan na magbibigay ng malaking impact sa ating buhay.

Nang dahil lamang sa aso ay umusbong ang isang matamis na pagmamahalan. Inaasahan ko na ang pag-iibigang iyan ay  magtatagal pa bagama’t hindi ko masasabing hindi magkakaroon ng problema.

Pero kung may dumarating na problema, lagi lamang ninyong isipin na iyan ay mga challenge na dapat harapin ng mag-asawa upang lalo pang tumibay ang inyong pagma­mahalan.

At huwag ninyong kalilimutan na kapag si Jesu-Cristo ang nasa sentro ng alin mang pagsasama, walang pasubaling ang pagsasamang iyan ay magiging matatag at matibay.

Dr. Love

Show comments