Harapin ang katotohanan
Dear Dr. Love,
Kumusta po kayo? Please, huwag mo nang babanggitin ang tunay na pangalan ko. Tawagin mo na lang akong Margot.
Buntis ako ngayon sa isang lalaking may pananagutan na. Dalawang buwan na ang aking dinadala.
Ang kasintahan kong may asawa ay taga-Tacloban, Leyte. Naninirahan na silang mag-asawa rito sa Maynila pero bago maganap ang delubyo roon ay umuwi siya ng probinsya at hanggang ngayo’y wala na akong balita sa kanya.
Nangangamba ako na baka kabilang siya sa mga namatay dahil sa malaking pagbaha.
Hindi ko mabanggit ang kanyang pangalan dahil mai-eskandalo siya at kung sakaling wala na siya, hindi siya mag-iiwan ng maÂbuting ala-ala sa kanyang pamilya.
Pero gusto ko lang sabihin na napakasakit para sa akin ng nangyari lalo pa’y hindi ko batid kung buhay pa siya o wala na. Hindi ko perÂsonal na kakilala ang kanyang misis pero ayaw ko nang tuntunin pa siya dahil baka magkaroon ng eskandalo.
Ngayon ako nagsisisi sa aking ginawa. Walang magsusustento sa aking magiging anak at hindi alam ng mga magulang kong nasa La Union ang kalagayan ko. Ano ang gagawin ko?
Margot
Dear Margot,
Sana nama’y buhay pa ang lalaking ‘yun na dapat managot sa baby mo. Pero kung sakaling hindi siya pinalad mabuhay, wala kang magagawa maliban sa, una – ipagtapat mo sa mga magulang mo ang iyong kalagayan.
Kung ako ang ama mo, natural lang na magalit ako pero pasasaan ba at hindi huhupa ang galit.
Pangalawa, isilang mo ang anak mo at arugainÂ. Walang kasalanan ang baby sa kasaÂlanan mo.
‘Yun lang ang maipapayo ko sa iyo Margot.
Dr. Love
- Latest