Kulang sa kisig, kulang pa sa pera

Dear Dr. Love,

Unang-una’y babatiin muna kita at lahat ng staff ng PSNGAYON pati na ang mga sumusu­baybay sa iyong column ng magandang araw.

Tawagin mo na lang akong Isagani Lemos, 27-anyos. Mababa lang ang pinag-aralan ko at isa lamang tindero ng balut.

Malungkot ang buhay ko dahil ako’y isang taong ipinanganak na may kapansanan. Pangit na ang mukha ko ay wala pa akong dalawang paa.

Sa dahilang ito kaya mailap sa akin ang mga babae. Kulang na nga sa kisig ay maliit pa ang kinikita.

Hanggang sa makilala ko si Loring, isang tindera ng sampagita. Hindi siya kagandahan pero may kapansanan din siyang kagaya ko. Bulag siya sapul pagkabata.

Naging girlfriend ko siya pero may agam-agam ako sa sarili ko dahil baka inibig niya lang ako dahil isa siyang bulag.

Sinasabi ko sa kanya na ako’y pangit, may depekto at tindero lang ng balut pero sabi niya mahal niya ako. Pero bakit lagi akong nai-insecure? Pagpayuhan mo po ako.

Isagani

Dear Isagani,

Magpasalamat ka sa Diyos at binigyan ka ng isang kasintahan na bagama’t bulag ay nagmamahal sa iyo ng totoo.

Marunong ang Diyos. Kahit may kapansanan ka ay may paningin ka naman at puwede kang magsilbing ilaw kay Loring.

At siya rin naman ay malaking tulong sa iyo upang makumpleto ang iyong pagkatao.

Wala kang dapat alalahanin, Isagani. Ituring mong yaman si Loring. Sa aspetong pangkabuhayan ay maaari kayong magtulungan para magkaroon ng mandang kinabukasan para sa inyong dalawa at sa magiging anak ninyo.

Dr. Love

 

Show comments