Dear Dr. Love,
Huli na po ang lahat nang matuklasan ko na ang boyfriend ko pala sa nakalipas na isang taon ay gumagamit ng droga.
Mabait naman si Fred noong panahong nanliligaw siya sa akin at hindi ko siya kinakitaan ng anumang senyales na gumagamit siya ng bawal na gamot. Ipinakilala na nga niya ako sa kanyang mother na isang balo at sinabi niyang gusto niya ako para sa kanyang anak.
Nito na lang huli natuklasan ko na user pala si Fred at dati na siyang durugista na pumailalim lang sa rehabilitasyon. Tinangka ko sanang sawatain si Fred sa masama niyang bisyo pero doon ko nakita kung ano ang tunay niyang kulay kung nagagalit. Noon din ay nagpasya ako na kalasan na lang siya dahil may tendency pa siyang manakit. Hindi ako tatagal makisama sa ganitong tao.
Personal ko siyang kinausap at tinaon kong matino siya bago humingi ng kalayaan sa aming relasyon. Tinalikuran lang niya ako at sinabing tulad din ng iba niyang naging girlfriend. Wala raw akong malasakit sa kanya.
Ang akala ko, tinanggap niyang mapayapa ang hiningi kong pagkakalas ng relasyon. Pero isang araw, nagulat ako nang makipagkita sa akin ang mama ni Fred. Hinihingi niyang makiÂpagbalikan ako kay Fred kahit pakitang tao lamang dahil nagwawala na raw ito sa kanilang tahanan.
Gusto ko sanang pagbigyan ang nanay ni Fred pero sa dakong huli, paano naman ang kinabukasan ko? Tama lang ba ang desisyon kong ito? Hihintayin ko po ang inyong payo.
Gumagalang,
Thelma
Dear Thelma,
Sang-ayon ako sa naging desisyon mo. Dahil para sa akin, hindi tamang dahil na lang sa pakiusap ng isang party o sa isang banda ay sa awa na lang tatakbo ang relasyon. Isa pa dahil talamak na ang ex-boyfriend sa paggamit ng bawal na gamot, maaaring maging banta rin ang pakikipagbalikan mo sa kanya para sa sarili mong seguridad. Lalo na’t kung nawawala siya sa sarili ay malaki ang tsansang manakit na lang siya.
Kung talagang gusto mong matulungan ang dating nobyo, pwede mo namang gawin ito kahit hindi kayo magkabalikan. Maaari mo siyang kausapin at hikayating magpa-rehab uli at sikapin na tulungan niya ang sarili niyang magbago.
DR. LOVE