Dear Dr. Love,
Hindi ko po alam kung ano ang nararamdaman ko ngayon, matapos kung malaman na ang pinakasalan kong babae ay gumagamit ng contraceptives para hindi kami makabuo ng baby.
Buntis na si Lisa nang pakasalan ko siya. Inako ko po ang pananagutan ng ibang lalaki na may kagagawan nito dahil mahal ko si Lisa. Nagpakasal kami at bumukod. Nang maipanganak ang malusog na sanggol na babae ay nagbalik sa pag-aaral si Lisa. Sustentado siya ng kanyang mga magulang maging ang baby.
Pero Dr. Love, dama ko po na alangan akong mahalin ang sanggol kahit alam kong wala siyang kasalanan. Nang minsang mag-alok ang mommy ni Lisa na sa kanila muna ang baby para makapag-concentrate siya sa pag-aaral, natuwa po ako nang lihim.
Gusto ko po sana na magkaanak na rin kami ni Lisa kahit wala pang isang taon ang baby. Pero hindi kami makabuo at sa pag-aakala kong baog ako. Ikinabigla ko nang madiskubreng nagpi-pills si Lisa.
Nagalit ako kay Lisa pero ang sinabi niya na hindi mabuti sa kanyang kalusugan na sundan agad ang panganay. Gusto raw muna niyang makatapos ng pag-aaral. Sa inis ay umalis ako ng bahay pero pinagsisihan ko po ang aking nagawa. Kaya bumalik din ako agad.
Pero wala na si Lisa sa bahay namin, sinundan ko siya sa bahay ng kanyang mga magulang sa probinsiya at humingi ng tawad. Pero pag-iisipan daw niya kung babalik pa sa aming bahay. Sinabi rin niyang ipinagtapat na niya sa kanyang mga magulang na inako ko lang ang obligasyon sa kanyang pagbubuntis. Sinabi ko sa kanyang ama na ginawa ko ‘yun dahil mahal ko si Lisa. Nagseselos lang kako ako dahil gusto ko na rin na magkaanak kami.
Ano po ba ang gagawin ko? Mahal ko si Lisa at gusto kong manatili ang aming pagsasama. Payuhan mo po ako. Unreasonable nga ba ako?
Gumagalang,
Mike
Dear Mike,
Ipakita mo sa asawa mo ang tapat na pagsisisi at pag-aralan mo ring mahalin ang sanggol na inako mo. Suyuin mo siya at higit sa lahat, sikapin mo na unawain ang paliwanag niya na makakasama sa kalusugan ng ina ang maiksing agwat ng pagbubuntis. Kung maipapakita mo ang mga bagay na ito, walang dahilan para hindi umuwi sa iyo ang asawa mo.
Dr. Love