Sapin-sapin na pagkakamali
Dear Dr. Love,
Nagkamali po ako sa aking mga desisyon, sa pagkakatiwala ng aking sarili sa lalaking hindi pala ako kayang panagutan at sa pagtatangkang mapagbabago ko pa siya.
Noong nasa biniling condo pa ako ng aming tatay, kasama ang kapatid kong babae dahil pareho kaming nag-aaral noon ay madalas magpunta doon ang boyfriend kong si Max. Itina-timing niyang wala ang kapatid ko at doon siya natutulog, kasama na ang pagkain at pangungutang para sa kanyang panggastos sa pinapasukang gov’t agency.
Hindi ko ito alintana noon. Ang totoo ay kinaÂkaawaan ko pa siya kung kaya ang utang ay naÂgiging bigay na. Sa pakikipagrelasyon ko sa kanya ay nagtiwala ako ng husto. Nagbunga ang kapusukan namin. Dito nagbago ang lahat. Nagsimula na siyang lumayo.
Dahil sa nangyari sa akin ay mistulang itinakwil naman ako sa aming pamilya. Sapilitan akong iniwan ng aking tatay sa bahay nila Walter at tinanggalan ng kahit anong tulong. Ito ay sa kabila nang pag-amin ni Max na hindi pa siya handa sa pagpapamilya at ayaw pa niyang mag-asawa.
Hikahos ang pamilya nila at talagang nagdusa ako ng sobra, pero tiniis kong lahat sa pag-asang magbabago pa si Max. Hanggang mairaos ko ang aking panganganak sa isang government hospital. Malaki na ang ipinayat ko dahil nagpapa-breastfeed ako kahit walang sustansiya ang nailalagay sa tiyan.
Sa pakikitungo sa akin ng ina ni Max at ang miserableng kalagayan naming mag-ina na parang wala rin naman akong katuwang sa pag-aalaga ng bata, nagbabalak na po akong umalis sa bahay nila. Bahala na kung tatanggapin ako o hindi ng aking tatay.
Tuluyan na rin pong nawala ang pagmamahal ko sa aking boyfriend. Napakalaking pagsisisi po ang nararamdaman ko ngayon sa aking buhay. Naaawa po ako sa aking sarili. Pagpayuhan po ninyo ako.
Gumagalang,
Michelle
Dear Michelle,
Tamang magsisi ka pero huwag mong ilugmok ang sarili sa panghihinayang, hindi nito maibabalik ang mga nangyari na. Sa halip ay gamitin mong kalakasan ang mga pagkakamali mo para mas mapagbuti ang mga susunod na araw ninyo ng iyong baby.
Humingi ka ng tawad sa iyong mga magulang at ipakita mo ang sinseridad mong makabangon sa iyong mga naging maling desisyon. Pasasaan ba at matatanggap ka rin nila kaya bumalik ka na sa inyong bahay.
Dr. Love
- Latest