Dear Dr. Love
Kumusta po kayo, Dr. Love. Tawagin mo na lang akong Mauro, 57-anyos at isang biyudo.
Mayroon akong girlfriend ngayon na 20- anyos lang ang edad. Puwede ko nang maging anak at sa katunayan, ang kaisa-isa kong anak na lalaki sa yumao kong asawa ay 39-anyos na.
Sabi ng anak ko, ‘di niya mapapayagang pakasalan ko ang nobya ko dahil tatawagin niyang mommy ang isang stepmother na kalahati na ng edad niya.
Akala ko nagbibiro ang anak ko pero nang magkasarilinan kami, ang sabi niya’y hindi siya tutol na mag-asawa ako pero hindi naman sa sobrang bata gaya ng nobya ko.
Ano ang gagawin ko para makumbinsi ang anak ko na pakasalan ko ang minamahal kong babae?
Mauro
Dear Mauro,
Ikaw ang tatay, ikaw ang masusunod. Maaaring may punto ang anak mo dahil malayo ang agwat ng edad ninyo pero ikaw lang ang puwedeng magdesisyon para sa sarili mo.
May mga disadvantage ang pagkuha ng asawang sobra ang kabataan pero palagay ko naman ay may sapat ka nang isip para malaman ito.
Dr. Love