Bawal na relasyon

Dear Dr. Love,

Dati akong plain housewife bagaman tapos ako ng kursong vocational sa aming lalawigan sa norte. Ang aking mister ay isang agriculturist sa aming bayan. Sa hindi ko malamang dahilan, parang nan­lupaypay ang aming pagsasama nang maging da­lawa na ang aming anak ni Senen.

Maaaring dala ito ng sobrang pressure sa trabaho at binabalikat na responsibilidad sa aming pamilya at sa responsibilidad na naiwan ng yu­maong ama ng aking asawa. Siya na ngayon ang nagpapaaral sa dalawang nakababata niyang mga kapatid.

Minabuti kong maghanapbuhay na rin para ma­­katulong sa aking asawa. Namasukan akong domestic helper sa abroad. Ang aking nanay ang napag-iwanan ko sa aming mga anak.

Noong una, lungkot na lungkot ako sa pagka­kahiwalay ko sa aking mag-aama. Pero nang ma­kalipas ang isang taon, nagkaroon na rin ako ng mga kaibigan at nagkikita-kita kami tuwing day off namin. Dito ko nakilala si Dante.

Pareho kaming nangungulila sa mga naiwa­nang mahal sa buhay kaya nadarang sa bawal na relasyon. Walang commitment, walang pagma­mahal sa isa’t isa. Nagpaulit-ulit ang aming pag­kikita at pagtatalik hanggang sa magpaalam siyang umuwi sa ‘Pinas dahil sa malubhang kalagayan ng kanyang ama. Kahit nangako siyang babalik, hindi na kami nagkita.

Nang magbalik-bayan ako, una kong hinanap ang binigay ni Dante sa address na ibinigay niya pero peke ito. Dinaya niya lang ako. Pagdating ko sa aming bahay sa probinsiya, kakaibang pagbabago sa kalooban ang naramdaman ko. Hindi ko ma­­ipa­liwanag, Dr. Love. Nakakalito dahil parang ayaw ko na silang iwanan uli pero nananabik akong magkita kami uli ni Dante.

Ayaw na akong pabalikin ni Senen bagaman malaking tulong ang perang padala ko, iba pa rin daw ang pakiramdam niya kapag nasa bahay ako. 

Ano po ang maipapayo ninyo sa akin? Susundin ko ba ang aking asawa o babalik pa ako sa lugar na pinagtatrabahuhan ko sa pag-asang magkakatagpo pa kami uli ni Dante? Parang mahal na mahal ko na si Dante.

Gumagalang,

Bella

Dear Bella,

Sundin mo ang asawa mo at tuluyang kalimutan ang bawal na relasyon ninyo ni Dante. Huwag mong isuong ang sarili sa sitwasyong pagsisisihan mo habang buhay. Maraming naghahangad ng ma­­ ayos na pamilya sa panahon ngayon, kaya i-treasure mo ito at huwag kang maging dahilan para wasakin ang buhay ng sarili mong mga anak.

Dr. Love

Show comments