May balat kaya malas
Dear Dr. Love,
Happy New Year po, Dr. Love.
Naniniwala po ba kayo na malas ang isang taong may balat saan mang bahagi ng kanyang katawan? Dito po kasi sa usaping ito umiikot ang problema ko.
Mahal ko po si Marina at para sa akin siya na ang babaeng gusto kong makasama habang buhay. Ang problema gusto ng nanay ko na hiwalayan ko siya at lumayo ako sa kanya dahil malas raw ang nobya ko. Ang tanging basehan niya dito ay ang balat ni Marina sa leeg.
Mamalasin daw po ang buhay ko kapag nagkatuluyan kami ni Marina kaya habang may panahon pa ay humanap na raw ako ng ibang babae na mag bibigay ng swerte sa aking buhay.
Hindi po ako naniniwala sa malapamahiing paniniwala na ito ng aking nanay. Dahil ideyal sa akin ang mga katangian ni Marina. Bukod sa maganda na, isa siyang masipag na babae na hindi nangingiming magbitbit ng basket na puno ng pinamili mula sa palengke at siya ang tumatayong nanay ng kanyang pamilya dahil maaga siyang naulila sa ina.
Ang sabi ko nga, masuwerte ang tatay niya dahil mayroong isang anak na tulad ni Marina na siyang nagba-budget ng suweldo ng ama at nagtataguyod sa dalawang nakakabatang kapatid na kasalukuyan pa lang nasa high school.
Paano po kaya masasabing malas si Marina sa buhay gayong mapalad ang kanyang pamilya sa pagkakaroon ng isang anak na tulad niya.
Hindi ko gustong maging suwail na anak pero sa punto ng usapin sa puso parang hindi ko kayang mapagbigyan ang aking ina.
Mahal ko po si Marina at handa kong patunayan sa nanay ko na hindi siya malas kundi magiging suwerte siya sa aking buhay.
Payuhan mo po ako kung paano ko mapagbabago ang paniniwalang ito ng nanay ko.
Gumagalang,
Johnny
Dear Johnny,
Puwede mo namang mapagbago ang paniniwala ng nanay mo nang hindi kailangang ikaw ay maging kontrabida sa kanya.
Ang mga magulang ay nirerespeto at hangga’t maaari hindi natin nais na galitin sila lalo na kung ang napipisil mong pakasalan ay inaayawan niya. Mahal ka lamang ng nanay mo kung kaya’t hangga’t maaari, nais niyang maging maganda ang iyong kinabukasan. Hindi niya nais na ipakipag sapalaran ang kinabukasang ito.
Para mawala ang pangamba ng nanay mo, ilapit mo si Marina sa kanya. Hayaan mong siya mismo ang magsabi ng mga katangian ng babaeng mahal mo. Malimit mong yayain sa inyo si Marina para magkaroon ng pagkakataong magkalapit ng loob ang dalawang babaeng mahal mo sa buhay.
Good luck to you and Happy New Year din.
Dr. Love
- Latest