Sa ikalawang pagkakauntog

Dear Dr. Love,

Ang sabi ng close friend kong si Isabel, wala akong kadala-dala sa pag-ibig. Madaling patangay sa emosyon at hindi marunong kumilatis ng lalaking mamahalin.

Aminado ako dun. Madalas pinaiiral ko lagi ang puso at hindi isip sa anumang hakbang tungkol sa aking pakikipagrelasyon.

Iniwan ako ng una kong boyfriend nang akala niya’y buntis ako. Walang paalam na umalis nang subukan ko siya kung pakakasalan niya ako kung malaman niyang buntis na ako.

Sa ikalawang pagkakataon, na-in love ako sa isang lalaking bata ng limang taon sa akin. Umasa ako sa sinabi ni Peter na pakakasal na kami kapag nakatapos na siya ng  pag-aaral. Kaya todo po ang pagsisilbi at pagtulong sa kanyang pag-aaral.

Sobra lang talaga siguro ako magmahal, Dr. Love kaya dahil sa pag-ibig ay hindi ko na naririnig ang mga paalala sa akin ng mga taong nagmamalasakit sa akin. Nagtiwala agad ako kay Peter.

Third year na siya sa IT course nang kausapin niya ako ng masinsinan. Nagpapaalam siya at humihingi ng dispensa. Napamahal na raw ako sa kanya kaya hindi niya kayang dayain pa ako. Nakakita na raw siya ng trabaho. Inamin niyang may asawa at isang anak na siya sa probinsiya. Bago pa kami tuluyang maghiwalay, ipinakita sa akin ni Peter ang listahan ng mga nagastos ko sa kanya, ibabalik daw niya ang lahat sa sandaling makaipon siya.

Masama ang loob ko, Dr. Love dahil nagantso na naman ako. Pero na-appreciate ko rin ang pagtatapat ni Peter at napatuyan ko sa sarili ko na talagang mahal ko siya.

 Pero ang totoo po sa maniwala kayo o hindi, nagkaroon na ako ng takot na ma-in love uli. Mukhang nadala na ako sa dalawang beses na pagkakauntog at naalog ng sobra ang utak ko.

 Maraming salamat po. Hangad ko po na ma­bigyan ninyo ako ng kaukulang payo.

Ang inyong tagahanga,

Amelita 

Dear Amelita,

Natural na katangian ng taong nagmamahal ang ibigay ang lahat na makakaya. Pero sinasang-ayunan  ko ang opinyon ni Isabel, mahalaga na magtira ka para sa iyong sarili. ‘Yung sapat para ano man ang mangyari ay manatili ka pa ring matatag sa buhay.

Tungkol sa pagkakaroon mo nang pag-aalinla­ngan na buksan muli ang puso sa iba, normal lang din iyan. Darating at darating ang tamang pagkakataon at sana tamang guy na rin para sa iyo, sa sandaling ma-in love ka uli. Pray harder.

DR. LOVE

Show comments