Nagbuhay teenager si inay

Dear Dr. Love,

Parang ibong nakakawala sa hawla ang aking­ ina nang sumakabilang buhay na si itay. Ang dating nanay ko na hindi umaalis sa bahay kundi lang pupunta sa palengke, grocery at simbahan ay biglang nakakapanibago nang maka­babang-luksa na kami kay itay. Natunton siya ng kanyang mga dating kaklase sa high school na mayroon na ring pamilya at laging niyaya­yang lumabas. Noong una ay ballroom dancing lang. Pero nang kalaunan, nagpupunta na sila sa casino at kung saan-saang mga lugar.

Ang aking lola sa fatherside ay hindi mina­mabuti ang kinagawiang ito ni inay, kaya madalas siyang magpunta sa bahay para alamin ang kalagayan namin dahil iniaasa na lang daw kami ni inay sa katulong.

Kinausap ko si inay tungkol dito at sinabi niyang naglilibang lang siya dahil hindi siya maka­pagbarkada noong buhay pa si itay. Alam ko na malungkot si inay nang mawala si itay, kaya na­uunawan ko siya.

Pero mukhang lumalala ang sitwasyon dahil kinuha na ni lola ang teenager kong kapatid na si Glenda, dahil nangangamba siyang mapahamak ito sa kawalan ng sapat na atensiyon ni inay sa amin.

Dumagdag pa po sa problema ko ang minsang maaktuhan ko si inay na lasing at hinahalikan ng lalaking nakaakbay sa kanya. Hindi na po ako nakatiis at sinita ko sila. Sinabi ni inay na boyfriend niya si Johnny, hiwalay sa asawa at may isang anak.

Ngayon po araw-araw nang umuuwi sa bahay si Johnny. Lalo po itong ipinangngitngit ni lola. Ano po ba ang dapat kong gawin para mabuong muli ang aming pamilya? May katwiran po ba si lola na kunin ang kapatid ko at paghiwalayin kami sa poder ni inay?

Maraming salamat po at sana mapayuhan ninyo ako.

Gumagalang,

Boyet

Dear Boyet,

Sa pagkakaalam ko, ang kustodiya ng isang menor de edad ay laging nasa ina, maliban na lamang kung tumuntong na siya sa hustong gulang at magdesisyon kung kanino sasama. Pinakamabuti na sumangguni ka sa isang abogado para mas maipaliwanag ito sa iyo. Pero bago mo ‘yun gawin, ikonsidera mo muna ang pagkakataon na magkausap-usap kayo bilang pamilya para maayos ang problema. Samahan mo rin ng taimtim na dasal ang lahat para ma­kuha mo ang tamang gabay sa pagharap dito.

Dr. Love

 

Show comments